Ang Bayan » 2 linggong protestang manggagawa, nagpapatuloy sa Korea

July 7, 2023


Tinatayang aabot sa kalahating milyong Koreano ang lalahok sa dalawang linggong welgang bayan sa Korea sa pangunguna ng Korean Confederation of Trade Unions (KCTU) laban sa rehimeng Yoon Suk-yeol na nagsimula noong Hulyo 3 at tatagal hanggang Hulyo 15. Iginigiit ng mga unyon ang pagbaba sa pwesto ng anti-manggagawa at maka-negosyong si Yoon, pagpapahinto sa panunupil sa mga unyon at pagtataguyod sa karapatan ng mga manggagawa at karaniwang Koreano.

Inianunsyo ng KCTU ang kanilang welga sa isang pagtitipon sa harap ng upisina ng pangulo sa distrito ng Yongsan sa Seoul noong Hulyo 3. Ayon sa unyon, inilunsad nila ang welga dahil sa sunud-sunod na mapanupil na aksyon at anti-manggagawang mga batas na ipinatutupad ng rehimeng Yoon sa nagdaang mga buwan.

“Ang welga ay para protektahan ang aming buhay na winawasak ng administrasyon,” ayon sa lider ng KCTU na si Yang Kyeung-soo. Noon pang Hunyo, binanggit ng lider-manggagawa na ang welga ay partikular na nakaturol sa rehimen.

Liban sa pangunahing panawagang magbitiw ang pangulo, panawagan din ng KCTU ang proteksyon sa kabuhayan, pag-amyenda sa mga batas, pangangalaga sa karapatan ng mga unyon at laban sa panunupil, pagbaligtad sa mga patakarang pribatisasyon at pagtataas sa singilin sa pampublikong yutilidad.

Nag-umpisa ang welgang bayan noong Hulyo 3 kung saan 3,000 manggagawa mula sa sektor ng pagdedeliber at pagrerepair ang nagprotesta sa Gwanghwamun Square sa pusod ng Seoul.

Nagkaroon ng malawakang protesta sa buong bansa noong Hulyo 5 kabilang na sa mga sentrong syudad tulad ng Seoul, Daegu, Busan, Gwangju at sa isla ng Jeju. Sinundan ito ng pagkilos noong Hulyo 6 ng mga manggagawa sa serbisyo sa Seoul.

Sa Hulyo 8, nakatakdang magprotesta ang mga kawani ng gubyerno ng South Korea sa Yeouido, Seoul. Samantala sa Hulyo 12, maglulunsad ng pangkalahatang welga ang unyon sa Hyundai Motor at ang Korean Metal Workers’ Union.

Inaasahan din maglunsad ng pangkalahatang welga ang mga manggagawang pangkalusugan sa pangunguna ng Korean Health and Medical Workers’ Union (KHMU) sa Hulyo 13. Ito ang unang pangkalahatang welga ng KHMU simula 2004. Giit ng grupo na kilalanin ng rehimen ang nabuong kasunduan noong 2021 kung saan pumayag ang gubyerno sa hinihinging dagdag na serbisyong pangkalusugan at dagdag na personel sa mga ospital.

Sa huling gabi ng welgang bayan, Hulyo 15, tahasang ilalahad ng mga grupo at manggagawa ang kanilang panawagan kay President Yoon na bumaba sa kanyang pwesto. Bahagi din ng 2-linggong mga protesta ang gabi-gabing pagtitirik ng kandila ng mga raliyista.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss