Ang Bayan » 770 magtutubo sa Batangas, nakatanggap ng tulong pampinansya

May 30, 2023


Nakatanggap ng tulong pampinansya ang mga magtutubo sa Batangas na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng mayor na asukarera. Ang ayuda na nagmula sa Department of Social Welfare and Development ay inilabas sa tulak ng kinatawan ng Gabriela Women’s Party. Naganap ngayong araw ang pamamahagi ng tulong sa unang bats ng mga magtutubo sa bayan ng Balayan.

Nasa 770 magtutubo ang tumanggap ng inisyal na ₱10,000 sa maksimum na ₱30,000 kabuuang ayudang pampinansya kada pamilya. Ang mga nakatanggap ay pinroseso ng samahan ng mga magtutubo na Sugarfolk’s Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR) at ng DSWD. Ang relatibong mabilis na paglalabas ng pondo ay dulot ng pakikipagtulungan ng DSWD, Gabriela Women’s Party at ni House Speaker Martin Romualdez.

Ipinaglaban ng mga magtutubo ang tulong na ito mula nang magsara ang Central Azucarera Don Pedro Inc. o CADPI noong nakaraang taon. Ang paglalabas ng tulong pampinansya ay bahagi ng resolusyon na inihapag ni Gabriela Rep. Arlene Brosas sa Kongreso noong Pebrero para imbestigahan ang pagsasara ng asukarera at bigyan ng kagyat na ayuda ang apektadong magtutubo.

“Patunay lamang ito na may nagagawa ang sama-samang pagkilos anumang pananakot ang gawin nila laban sa atin,” pahayag ni Rep. Brosas. “Dapat isustine pa ang kampanya para isalba ang kabuhayan ng libu-libong manggagapak ng tubo sa Batangas.”

Kaisa si Brosas sa panawagan ng SUGAR na hindi dapat magtapos ang laban ng mga magtutubo sa pamamahagi ng ayuda, lalupa’t temporaryo lamang ito.

“Hindi rito natatapos ang ating laban!” pahayag ng SUGAR. “Higit pa sa panandaliang ayuda, patuloy ang panawagan nating mapanumbalik sa pag-ilo ng ating mga tubó ang Central Azucarera de Don Pedro, Inc, at maisalba ang ating lokal na industriya ng asukal at tubó!”

“Dapat magkaroon ng programa para ibangon ang lokal ng industriya ng asukal sa halip na umasa sa unli-importasyon ng tone-toneladang asukal. Kailangang isalba ang mga kababayan nating magtutubo at manggagawang bukid, at hadlangan ang land conversion ng mga tiwangwang na tubuhan bunga ng pagsasara ng CADPI,” ayon naman kay Rep. Brosas.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Ang Bayan Ngayon » Unyon sa PLDT, nanawagan sa maneydsment na buksan na ang negosasyon para sa CBA

Nagprotesta ang mga manggagawa ng PLDT sa harap ng Department

Groups slam media security chief for red-tagging ahead of UN expert’s visit

Photo by Carlo Manalansan/Bulatlat By RAYMUND B. VILLANUEVAKodao Productions Media