Ang Bayan » Amyenda sa anti-mangingisdang BFAR FAO 264, naigiit

December 15, 2023


Naigiit ng mga mangingisda sa Gubat, Sorsogon ang pag-amyenda noong Disyembre 11 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Fishery Administrative Order (FAO) No. 264 matapos ang pagpetisyon nila sa ahensya. Pinalakas ng Save Gubat Bay Movement (SGBM) ang kampanya nito kontra sa FAO 264 simula noong Hunyo ngayong taon.

Ipinanawagan ng SGBM ang pagbasura sa atas ng BFAR na nagbabawal sa paghuli at pagbebenta ng mga mangrove crablets o kilala din bilang King Crabs. Giit ng grupo, malubha ang epekto ng atas na ito sa libu-libong nag-aalaga ng King Crab at maliliit na mangingisda sa bayan ng Gubat.

Sa simula pa lamang, inilinaw na ng mga mag-aalimango na aktibo ang kanilang organisasyon sa pangangalaga ng mga bakawan at baybayin na nagsisilbing itlugan at tahanan ng mga alimango. Katunayan, mariin nilang tinututulan ang mga aktibidad at proyekto na banta sa ekosistema at tahanan ng mga alimango. Ang “pangangalaga” sa mga King Crab ang ginamit na pagdadahilan noon ng BFAR para ipatupad ang FAO 264.

Sa inamyendahang atas, tinanggal ng BFAR ang dalawang parapo sa seksyon 3 nito na nagbabawal sa panghuhuli at pagbebenta ng King Crabs.

“Ang inisyal na tagumpay ng kilusang ito ay patunay sa kakayahan ng pagkilos at pagkakaisa ng lokal na komunidad laban sa mga suliraning dulot ng FAO 264,” pahayag ng SGBM. Ayon sa grupo, hindi lamang ito makatutulong sa kanilang komunidad kundi magsisilbi ring halimbawa sa iba pa na magsama-sama at kumilos para sa kanilang kagalingan.

Hindi dito matatapos ang kanilang paglaban para sa kalikasan at karagatan, ayon sa grupo. Babantayan nito ang mga butas na iniwan ng BFAR sa FAO 264 na magsasapanganib sa sustainability ng mga alimango. “Kulang ng malinaw na mga probisyon ang amyenda para tugunan ang preserbasyon sa kalikasan at mga pamamaraan para sa sustainability,” ayon sa SGBM. Nagdidiin lamang umano ito sa kawalan ng tunay na suporta ng ahensya sa maliliit na mangingisda.

Tanong ng SGBM, bakit walang seryoso at aktwal na tulong ang BFAR sa maliliit na mag-aalimango gayong tuluy-tuloy naman ang pag-ayuda nito sa mga apektadong eksporter ng King Crabs? Matatandaang dinahas ng mga pwersa ng estado ang maliliit na mag-aalimango sa Gubat noong Seytembre 22 nang iligal na pasukin ng mga ito ang bahay ng 10 myembro ng Cota na Daco Crablet Workers’ Association (COTAW) at kumpiskahin ang kanilang “duyan-duyan” o crab net.

Ang SGBM, kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (Pamalakaya), ay binubuo ng COTAW, Sorsogon King Crab Raisers’ Association (SKRA), Samahan Alay sa Kalikasan Cooperative (SAAKCO) at ng Kumunidad san Lumalaban na Inaaping Parapadagat san Gubat (KULAG).



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Groups slam ‘EDSA-pwera’ video as deceitful, misleading

Survivors of Ferdinand Marcos Sr.’s martial law dubbed as deceitful

Sudan: MOU With Doctors Without Borders | News

A memorandum of understanding was signed between the Sudanese Ministry