Ilang ulit na nagpaputok ang hindi kilalang mga indibidwal sa labas ng bahay ng lider-magsasakang si Alvin Dimaracut sa Tarlac noong Agosto 6, alas-10 ng gabi. Ayon sa ulat ng Malayang Samahan ng mga Magsasaka sa Tinang (Makisama-Tinang), inikutan ng mga indibidwal na nakasakay ng motor at isang kotse sa bahay at huminto sa tarangkahan ng naturang bahay. Si Dimaracut ang bagong tagapangulo ng organisasyon.
Nagtungo sa istasyon ng pulis si Dimarucut noong Agosto 7 kasama ang iba pang mga upisyal ng Makisama-Tinang para magpa-blotter. Ayon sa grupo, ika-apat na beses na itong pag-uulat nila sa pulis bukod pa sa ibang hindi na nila iniulat na mga insidente ng pag-atake sa kanilang mga kasapi at lider.
Ang panggigipit sa mga lider-magsasaka ng Hacienda Tinang ay may kaugnayan sa kanilang kampanya para ipamahagi ang 62.3 ektaryang lupa sa 90 magsasaka bilang agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Hinamon ng mga magsasaka ang Department of Agrarian Reform (DAR) na bilisan na ang installation o pagbibigay ng kanilang mga titulo alinsunod sa kautusan noon pang Abril na inilabas ng ahensya ng pamamahagi ng lupa pabor sa kanila.
Samantala nagpaalala naman ang grupo sa ibang mga magsasaka ng Hacienda Tinang na nais magkamit ng lupa na huwag magpalinlang sa pekeng kooperatibang pinatatakbo ng National Task Force-Elcac sa lugar.
“Kung nais ninyo magkalupa lalo na sa mga ARBs, may desisyon ang DAR na open for application na mahigit pa na 100 ektarya, ilaban ninyo ang inyong karapatan sa ilalim ng organisasyong mga magsasaka ang nagtayo, at gaya namin, makakamit din ninyo ang katarungan at karapatan sa sama-samang pagkilos,” pahayag pa ng Makisama-Tinang.