Nagsampa ng kasong sibil si Teddy Casiño, chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), laban sa bantog na mga Red-tagger at ahente ng National Task Force (NTF)-Elcac na sila Lorraine Marie T. Badoy-Partosa at Jeffrey L. Celiz sa Makati City Regional Trial Court noong Disyembre 18. Inireklamo sila ni Casiño para sa mapang-abuso, mali at malisyosong mga pahayag at naggigiit ng kabayarang danyos na ₱2.1 milyon para rito.
Ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), grupo ng abugadong tumulong kay Casiño, nakabatay ang mga isinampang kaso sa paglabag sa Arikulo 19, 20, at 21 ng Civil Code, na nagbibigay ng remedyo para sa pag-abuso sa karapatan at para sa contra bonos mores (laban sa “good morals”).
Sa reklamo ni Casiño, isinaad dito ang paulit-ulit at walang-tigil na Red-tagging at paninira nina Badoy-Partosa at Celiz laban sa kanya sa iba’t ibang mga pagkakataon. Pangunahin dito ang pagbulalas ng dalawa sa walang-batayang mga akusasyon sa pambansang telebisyon bilang mga host sa programang “Laban Kasama ang Bayan” sa Sonshine Media Network International (SMNI).
“Huling-huli na ang ligal na aksyong ito. Simula pa 2020, ang dalawang taong ito, sa tulong at suporta ng NTF-Elcac, ay mali, malisyoso, at pauli-ulit na nag-aakusa sa akin na sangkot sa terorismo, rebelyon at iba pang mga krimen bilang sinasabi nilang mataas na upisyal ng CPP-NPA-NDF,” pahayag pa ni Casiño.
Ayon pa sa kanya, ang Red-tagging ay nakapagdulot ng “mental anguish, sleepless nights, wounded feelings, at moral shock” sa kanya. Giit niyang kagyat na itigil ng mga ito ang paninira, pagsisinungaling at Red-tagging.
Labis na apektado umano ang kanyang personal na buhay dulot ng ginagawa nina Badoy-Partoza at Celiz. Ibinahagi niya sa isang panayam sa midya na maging ang aktibidad ng kanyang anak kaugnay ng pagtulong sa nasalanta ng bagyo ay hindi pinalampas sa pag-Red-tag ng mga ito. Pinakamatindi umanong epekto nito ay ang pag-uudyok ng karahasan laban sa kanya dahil sa ginagawang Red-tagging.
Ang reklamo ni Casiño ay katuld sa mga kasong isinampa ng mamamahayag na si Atom Araullo laban kina Partosa at Celiz noong Setyembre.