Ang Bayan » Bilhin ang bigas sa magsasaka, di sa ibang bansa, giit ng mga grupo sa NFA

April 15, 2023


Binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Amihan National Federation of Peasant Women at grupong Bantay Bigas ang mungkahi ng National Food Authority (NFA) na mag-import ng 330,000 metriko toneladang (MT) bigas para punan ang tinatayang kakulangan ng lokal na produksyon ng bigas. Kaugnay ito ng napipintong kakulangan sa nakaimbak na bigas sa bansa. Dapat sapat sa 90 araw na pangangailangan ng bansa ang palagiang nakaimbak o buffer stock.

“Ang mandato ng NFA ay direktang bumili ng bigas sa mga lokal na magsasaka para tiyakin ang sapat na bigas sa bansa,” ayon sa Amihan. “Panahon ng anihan, dapat ang iniisip nila ay kung paano mapapataas ng pagbili ng lokal na palay.”

Ang itinutulak na importasyon ng bigas ay isang malaking pagtalikod sa mga magsasaka at mamamayang Pilipino, giit ng KMP. “Dapat ang unang atas ng Department of Agriculture at NFA ay tulungan ang mga magsasaka na itaas ang kanilang produktibidad para maabot ang target na produksyon ng bigas sa bansa at agapayan ang imbak ng bigas,” dagdag ng grupo.

Paliwanag pa ng KMP, “ang dapat ay ibalik ang kapangyarihan ng NFA na bumili ng mas mataas na bolyum ng palay mula sa magsasaka, ayudahan at tulungan ang mga magsasaka.”

Ayon sa Bantay Bigas, sa huling tala noong Marso 30, ang bolyum ng dumating na imported na bigas ay umabot na sa 746,253 MT, dagdag pa sa 3.8 milyong MT na inimport noong nakaraang taon. Samantala, ang abereyds na pagbili ng bigas ng NFA sa lokal na magsasaka mula 2018 hanggang 2022 ay nasa napakababang 2.3% lamang ng taunang produksyon.

Dagdag pa, batay sa ulat ng NFA noong Enero at Pebrero, tanging 46.3% at 21.5% lamang ang naabot sa target na pagbili ng palay mula sa lokal na magsasaka.

“Dapat itaas ng NFA ang buying price ng palay at pumasok sa loob ng mga komunidad para direktang mabili ang palay ng mga magsasaka. Ang ongoing price ngayon ng palay ay ₱23/kg kung dry at ₱18.50-19/kg kung bagong ani. Kailangan itaas din ng NFA ang presyo para mas marami ang mabili para sa buffer stocking,” giit ni Cathy Estavillo ng Bantay Bigas.

Dagdag pa niya, magdudulot lamang muli ng pagbagsak ng farmgate price at pagkalugi ng magsasaka ang pag-iimport ng bigas sa panahon ng anihan. “Ginagamit na dahilan ang pagtaas ng presyo ng bigas para mag-import katulad ng nangyari noong 2018. Pero sa aktwal, hindi naman ito nagresulta sa pagbaba ng presyo ng bigas. Katulad ng nangyayari sa ngayon, 4 na taon nang liberalized ang importation ng bigas pero tumataas pa rin presyo,” paliwanag pa ni Estavillo.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Clear evidence red tagging is practiced by PH govt

“While the government has reassured me that it does not

Stories around the New Year’s altar – Pinoy Weekly

Oceana and I made a New Year’s altar on the