Ginigipit ng administrasyon ng University of the East (UE)-Caloocan ang isang mag-aaral ng senior high school na kabilang sa mga estudyante na tumututol sa nakaambang 9.5% pagtataas ng matrikula at iba pang singilin sa unibersidad. Ayon sa ulat ng Rise for Education Alliance-UE Caloocan, sinampahan ang estudyante ng paglabag sa “handbook” ng unibersidad.
Kinundena ng grupo ang panggigipit sa naturang estudyante at pagkakaso sa kanya kaugnay ng “hindi awtorisadong pagdalo at/o paglulunsad ng mga pang-mag-aaral na aktibidad sa loob o labas ng kampus na salungat sa interest ng unibersidad.”
Ang pagkilos na nilahukan ng estudyante ay ang protesta sa UE Caloocan noong Marso 15 at 17 para ipabatid ang kanilang pagtutol sa nakaambang pagtaas ng matrikula.
Ayon sa grupo, ang kasong ito ay “paglabag…sa pangdemokratiko at akademikong karapatan ng mag-aaral… konstitusyonal na karapatan din natin bilang mga mamamayan ang magpahayag nang ligtas.”
Giit ng grupo, “ang hindi makatarungang panukalang 9.5% TOFI at Mandatory ROTC sa [harap ng krisis sa ekonomya at edukasyon] ay magsisilbing dagdag pahirap sa mga kabataang mag-aaral sa UE.”
Pahayag pa ng grupo, “ang krisis sa [UE] ay titindi lamang kapag pinabayaan natin ang pagtataas ng matrikula at ang mandatory ROTC na manatili, at kung hahayaan din natin na patahimikin tayo.”
Ang pagtataas ng matrikula ng mga pribadong unibersidad at pamantasan ay pinahihintulutan ng Commission on Higher Education kung dadaan ito sa isang “konsultasyon” na administrasyon ng eskwelahan ang magtatakda. Sa Abril 28 ang huling araw para magsampa ng aplikasyon ang mga pribadong kolehiyo at unibersidad sa CHED para sa pagtaas ng matrikula.
Sa ibang unibersidad at pamantanasan, nakatakda ring magtaas ng matrikula. Kabilang dito ang Saint Louis Univ (9% pagtaas), Far Eastern university (3%, overall na pagtaas), at Ateneo de Naga (7% pagtaas).