Ang Bayan » Halos 51 milyong Pilipino ang dumanas ng “food insecurity’ noong 2022

October 28, 2023


Tinatayang nasa 50.9 milyon o 44.7% ng mga Pilipino ang dumanas ng katamtaman (moderate) hanggang pamalagiang (chronic) “food insecurity” o kalagayang wala silang katiyakan kung saan kukunin ang sunod na makakain. Ang ganitong pagtaya ay nakabatay sa isinagawang sarbey ng United Nations na sumasaklaw sa mga taong 2020 hanggang 2022.

Pinakamataas ang bilang ng mga pamilyang dumanas ng food insecuriy sa Bangsamoro Administrative Region in Muslim Mindanao o BARMM (34%), Eastern Visayas (24%) at Soccsksargen (21%). Sa pangkalahatan, malaking bahagi ng mga dumaranas ng kawalang katiyakan sa pagkain ay nasa mga trabahong pang-agrikultura (24%).

Ayon na mismo sa UN, isang salik ng “food insecurity” sa bansa ay ang pagsalig nito sa imported na pagkain, laluna sa bigas. Sa nakaraang dalawang taon, pinakamalaki ang “food trade deficit” (mas malaki ang inaangkat kaysa iniluluwas na mga produktong pagkain) ng Pilipinas sa Southeast Asia. Malayong kasunod ang Myanmar na may 15.8 milyong food insecure na mamamayan, na 29.3% ng kanilang populasyon.

Mula sa dating ganap na nakasasapat sa sarili ang produksyon ng pagkain noong dekada 1970, bumagsak tungong 77% ang self-sufficiency ratio (SSR) o tantos ng kasapatan ng Pilipinas sa bigas noong 2022. Pinakamababa ito mula 1998, at pangatlong beses na mas mababa sa 80% sa loob ng dalawang dekada.

Papalaki rin ang pagsalig sa imported na sibuyas at iba’t ibang gulay, karneng baboy at baka. Matagal nang nakasalig ang Pilipinas sa pag-aangkat ng bawang at mongo. Iniimport ang mga produktong ito kahit walang lokal na kasalatan at naging sanhi ng pagkamatay ng lokal na produksyon.

“Dati ay kayang-kaya nating likhain at anihin ang ating kinokonsumong pagkain at mga pananim,” pahayag ni Rafael Mariano, chairman emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). “Dahil sa importasyon, bumagsak ang sariling kasapatan natin sa bigas, isda, karne, kape, bawang at iba pang pagkain,” aniya.

Ugat ng pagbagsak ng kakayahan na magprodyus ng sapat na pagkain ang atrasadong sistema sa pagsasaka ng mga batayang pananim. Sa kalakhan, manumano, nakasalalay sa ulan, maliitan, at pamilyahan pa rin ang produksyong pang-agrikultura sa Pilipinas. Hindi bababa sa 60% ng mga sakahan ay mas mababa sa isang ektarya lamang ang sukat. Mahigit 50% ng lupang binubungkal ay nasa kamay ng 11% lamang ng may-ari ng lupa. Iilang pamilya lamang ang nagmamay-ari sa libu-libong ektaryang lupaing pang-agrikultura. Walang saligang mga industriya ang bansa.

Pito sa bawat 10 magsasaka ay walang sariling lupa o walang kontrol sa kanilang mga lupa, ayon pa sa KMP. Habang lumalaki ang pangangailangan ng pagkain ng bansa, papaliit naman ang inilalaan ng estado na lupa para rito.

“Bigas ay buhay sa mga Pilipino pero lagi’t lagi tayong magiging food insecure at gutom kung walang tunay na reporma sa lupa,” pahayag ni Mariano. “Kailangan nating depensahan ang mga lupa na nakatuon sa produksyon ng bigas at pagkain mula sa potensyal na pang-aagaw at pagpapalit-gamit ng lupa.”



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss