Ginunita noong Marso 17 ng grupong Migrante Philippines, kasama ang mga pamilya ng mga biktima ng human trafficking, ang ika-28 anibersaryo ng pagbitay kay Flor Contemplacion ng gubyerno ng Singapore noong 1995. Nagmartsa sila tungong Mendiola sa Manila dala-dala ang panawagang hustisya at proteksyon para sa lahat ng mga biktima ng human trafficking.
“Inaalala natin ang poot ng buong bansa sa inhustisya laban sa ating kababayan na itinuring nating inhustisya sa ating lahat,” pahayag ng Migrante International. “Inaalala natin ang galit ng bayan sa pagtanggi ng gubyernong Pilipino ng bigyan ng kagyat na tulong at aksyon ang isang Pilipina na lubos na nangangailangan ng tulong.”
Ginunita ng mga migrante at kanilang mga pamilya ang pagbitay kay Contemplacion sa gitna ng panibagong tulak ng administrasyong Marcos Jr para sa pag-eksport ng paggawa.
“Inaalala din natin ang mga inhustisya sa maraming kaso ng pang-aabuso at pagpapabaya ng gubyerno sa mga naistranded na Pilipino, laluna ang mga babaeng migrante at mga biktima ng pagsasamantala at human trafficking.
Kasama sa nagmartsa ang pamilya ni Mary Jane Velasco, ang Pilipinang sinentensyahan ng kamatayan noong 2010 sa Indonesia pero ginawaran ng pagpapaliban noong 2015. Nakapiit pa rin siya sa Indonesia hanggang ngayon.
Dala rin ng Migrante ang kaso ng tatlong kababaihang nasagip mula sa human trafficker sa Syria. Kasama sila sa 52 kababaihan at batang babae na ipinadala sa Syria bilang mga kasambahay. Noong 2020, humingi sila ng tulong sa embahada ng Pilipinas pero minaltrato at ipinagkait sa kanila ang proteksyon at serbisyong pangkagalingan na nararapat nilang matanggap.
“Mayroong 83 Pilipino na nahatulan ng kamatayan sa kasalukuyan, habang libu-libo ang nakakulong sa iba’t ibang bansa,” paglalahad ng Migrante. “Karamihan sa kanila ay pinagkaitan ng karapatan sa pantay na proteksyon sa batas at ng makatarungan at pampublikong mga pagdinig ng isang independyente at walang kinikilingang tribunal.”
Sa mga kasong ito, mas madalas na hindi nakapagbibigay ng tulong at komprehensibong proteksyon ang mga embahada ng Pilipinas, laluna sa mga posibleng biktima ng pagsasamantala, abuso, human trafficking at diskriminasyon, ayon sa grupo.
“Patuloy na dadami ang mga Flor Contemplacion ng ating bayan hangga’t hindi tumitigil ang labor export program, na siyang nagtutulak sa ating mga kababayan na mangibang-bansa, dahil sa kawalan ng nakabubuhay na trabaho at sariling lupa para sa mga magsasaka,” ayon kay Arman Hernando, pinuno ng Migrante Philippines.
Pangako ng grupo na patuloy nilang isusulong ang pakikibaka para sa kanilang mga karapatan laluna sa harap ng papasahol na kalagayan ng mga migranteng Pilipino at panibagong tulak ng estado sa patakaran sa labor export.