Sunud-sunod na aktibidad ang inilunsad ng mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa nagdaang linggo sa maraming bahagi ng bansa bilang paggunita sa darating na ika-54 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Naglunsad ng iglap-proesta ang mga kasapi ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) sa Metro Manila noong Marso 25 para magpugay sa mga Pulang mandirigma ng BHB sa anibersaryo nito sa darating na Marso 29.
Ang mga rebolusyonaryong guro ay nagbitbit ng malalaking balatengga at naglunsad ng maiksing programa para ipabatid sa mamamayan ang kanilang pagsuporta sa demokratikong rebolusyong bayan.
Sa pahayag ng Kaguma, nanawagan ito sa kasapiang mga guro at akademiko na “masigasig na kumilos at mag-organisa ng mga lihim na makinaryang magkakalap ng materyal na suporta para sa digmang bayan sa kanayunan.” Ayon pa sa kanila, “hinihintay ang mga rebolusyonaryong guro na tumungo sa kanayunan at magturo sa mga pulang paaralan at larangang gerilya sa piling ng masang magsasaka.”
Sa Cebu City, nagpinta at naglagay ng mga panawagan sa pader ang mga kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) Balangay Marvin Marquez para hikayatin ang mga kabataan na sumapi sa BHB at pagsilbihan ang mamamayang Pilipino.
Nagsabit ang mga kabataan ng malaking balatengga sa sentrong syudad na may katagang “Mabuhi ang sundalo sa kabus” (Mabuhay ang sundalo ng mahihirap!) at “Mabuhi ang NPA” (Mabuhay ang NPA!)
Naglunsad din ng katulad na mga aktibidad ang mga kasapi ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan sa Laguna sa nagdaang linggo.
Samantala, pangungunahan ng Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) ang mga porum, talakayan at pagtitipon sa Portland at Seattle sa USA, at London sa United Kingdom sa darating na mga araw.
Bago nito malawakang ikinasa ng KM ang operasyong pinta at operasyong dikit sa mga prubinsya ng Surigao del Sur at Agusan del Norte simula pa pagbubukas ng buwan ng Marso.