Ang Bayan » Ika-3 anibersaryo ng pagpatay sa tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Negros, ginunita

August 21, 2023


Nagtipun-tipon ang mga demokratikong organisasyong masa sa Fountain of Justice sa Bacolod City noong Agosto 17 para muling ipanawagan ang hustisya sa ika-3 taong anibersaryo ng pagpatay ng mga pwersa ng estado kay Zara Alvarez. Pinaslang si Alvarez noong Agosto 17, 2020 habang pauwi sa kanyang tinutuluyang bahay.

Sa pangunguna ng Human Rights Advocates Negros (HRAN), layon ng pagkilos na ipabatid sa mga Negrosanon ang brutal na pagpatay ng estado kay Alvarez at marami pang iba sa buong isla sa kampanyang kontra-terorismo nito. Kabilang sa mga karumal-dumal na kasong ito ang pagpatay sa pamilyang Fausto sa Himamaylan City noong Hunyo.

Si Alvarez ay binaril at napatay ng mga ahente ng estado sa isang mataong lugar sa Eroreco Subdivision, Barangay Mandalagan, Bacolod City noong Agosto 17, 2020. Aktibo siyang kasapi ng Negros Island Integrated Health Program, isang organisasyong nagbibigay ng serbisyo at pagsasanay medikal sa mga maralitang komunidad sa isla.

Isa siyang kilalang tagapagtanggol ng karapatang-tao hindi lamang sa Negros kundi sa internasyunal na komunidad. Sa loob ng dalawang dekada, pinagsilbihan niya ang mga magsasaka at manggagawang-bukid dito. Naging bahagi siya ng progresibong programa ng simbahang Katolika.

Isa si Alvarez sa tinangka ng rehimen na ipadeklarang terorista bago paslangin. Paulit-ulit siyang iniugnay sa armadong kilusan para bigyan-katwiran ang panggigipit sa kanya. Bago nito, iligal siyang hinuli at ikinulong sa ilalim ng rehimen ni Benigno Aquino III mula 2012 hanggang 2014 sa gawa-gawa kasong pagpaslang at pagnanakaw.

Ayon sa HRAN, “nananatiling mailap ang hustisya para kay Zara… walang signipikanteng pag-usad ang kanyang kaso na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI), ng pulis, o maging ng independyenteng pag-iimbestiga ng Commission on Human Rights.”

Sa tala ng HRAN, isa ang kaso ni Alvarez sa tinatayang 110 pagpatay sa isla ng Negros sa ilalim ng dating rehimeng Duterte habang 30 na ang sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Kabilang dito ang Jacolbe Massare (Hulyo 2022), at ang Fausto Massacre (Hunyo 2023).

Giit ng mga grupo, umigting ang pag-atake ng mga pwersa ng estado laban sa mga progresibo at aktibista nang ipataw ang de facto na batas militar sa isla sa bisa ng Memorandum Order 32 na inilabas noong November 2018. Isinailalim nito ang buong isla ng Negros sa “state of emergency” at nagpadala ng karagdagang mga batalyong kombat ang estado sa isla.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Türkiye's Intelligence Service Captures 3 IS Members in Syria

On Thursday, Anadolu Agency reported that Türkiye’s National Intelligence Organization

Inner Counterpoints: Four Filipino Artists

Images courtesy of R.C. Ladrido, Kaida Contemporary, and Benjie Lontoc