Ang Bayan » Kapabayaan ng DepEd kaugnay ng benepisyo ng mga guro, kinundena

April 16, 2023


Kinundena ng Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region (ACT-NCR) Union ang kapabayaan ng Department of Education sa paghahanda ng mga papeles na kinakailangan para maibigay na ang Performance-Based Bonus (PBB) ng mga empleyado ng DepEd para sa 2021. Hindi pa naisusumite ng DepEd ang kinakailangang ulat kahit noong pang Enero 26 sinabihan ang ahensya na ihanda ito.

“Ang kabiguan ng DepEd na magsumite ng mga kinakailangang dokumento para maibigay ang PBB 2021 ay lubhang kawalang pakialam sa kagalingan ng mga guro,” giit ni Ruby Bernardo, pangulo ng ACT-NCR Union. Dagdag pa niya, “nasa panahon pa ito ng matinding ekonomikong krisis kung kailan kailangan ng mga guro ang kagyat na ayuda.”

Paninindigan ng unyon, ang kapayapaan ng DepEd na nagdulot ng pagkaantala ng pagbibigay ng benepisyo ay hindi katanggap-tanggap. “Dapat mahiya ang DepEd sa mga guro na kayod-kalabaw sa pagtuturo at non-teaching duties, at nagpupuyat pa sa paper work na ura-urada kung hingin pero laging urgent ang submission,” dagdag pa ni Bernardo.

“Inip na inip na ang ating mga guro na matanggap ang PBB… para matustusan ang pangangailangan ng aming mga pamilya. Inaasahan naming matanggap ang benepisyo sa unang kwarto ng taon at maraming guro na ang napilitang umutang para lang makaagapay,” paliwanag pa ni Bernardo.

Ayon pa sa kanya, ang mga guro ay nawawalan na ng pag-asa sa pamunuan ng DepEd na ilang ulit nang kumokontra sa kanilang panawagan para sa dagdag-sweldo, sinisiraan ang kanilang mga panawagan para sa sapat na klasrum at guro.

“Sa kabilang banda, ang dami nilang time para ired-tag at awayin ang aming unyon nagsusulong ng aming mga karapatan at interes” batikos ni Bernardo.

Giit nila, sana magtuon ng pansin ang DepEd sa pagtugon sa kanilang mga kahingian at ng buong sektor ng edukasyon imbes na sinisiraan pa ang kanilang mga unyon.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss