Ang Bayan » Kaso ng panggigipit laban sa mga manggagawang pangkultura ng Bayan, ibinasura

December 14, 2023


Ibinasura ng isang korte sa Quezon City ang kasong isinampa ng Quezon City Police Department (QCPD) laban kay Max Santiago at sa tatlo pang kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) dahil sa umano’y paglabag sa Clean Air Act (Republic Act No. 8749) nang magsunog ng effigy noong Hulyo 24 kasabay ng ikalawang state of the nation address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr. Ayon sa korte, walang sapat na batayan ang mga alegasyon ng pulis. Isinapubliko ang desisyon kahapon, Disyembre 13.

Para sa Bayan, malinaw na ang pagsasampa ng reklamo sa kanilang mga kasapi ay pawang harasment lamang ng pulis na layuning patahimikin sila. “Nais maghatid ng mensahe ng ‘chilling effect’ (paninindak) ng mga pulis sa pagkriminalisa sa pagtutol, kabilang ang paggamit ng protest art,” ayon sa pahayag ng grupo.

Sa desisyon ng korte, isinalaysay nito na ang dalawang pulis na nagsampa ng kaso ay pawang nakatalaga sa Anonas Police Station, malayo sa Commonwealth Avenue kung saan isinagawa ang protesta at sinunog ang effigy. Wala umanong ebidensyang isinumite na ipinakat sila sa lugar para sa ikalawang SONA at patunay na aktwal nilang nasaksikan ang insidente. Dagdag pa nito na hindi rin saklaw ng naturang batas ang pagsusunog ng effigy.

Nauna nang iginiit ng Bayan at Concerned Artists of the Philippines (CAP) na ginamit lamang ang batas para gipitin ang kalayaan sa pagpapahayag. Anila, ang mga effigy ay simbolo ng protesta at sumasalamin sa tunay na kundisyon ng bansa katulad na lamang ng ipinakita ng likha ni Santiago na pinamagatang “Doble Kara.”

Binatikos din ng CAP ang panggigipit ng pulis sa mga artista sa nililikha nilang effigy at sining dahil ito ay sumasalamin sa mga katotohanang gusto nilang itago at ibaon sa limot. Patunay nito ang pahayag ng QCPD na ang effigy ay pambabastos kay Marcos Jr.

Liban pa sa kasong ito, kumakaharap si Santiago at mga lider ng Bayan ng kaso kaugnay ng kanilang isinagawang protesta kontra SONA. Giit ng Bayan na dapat nang ibasura ang nalalabi pang mga kaso na isinampa din ng QCPD laban sa kanilang hanay.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Farmer rights advocates, artists raise funds for bail of detained Negros activist

Karina Dela Cerna was only 19 years old when she

Taklobo mining sa WPS: Winawasak na yaman sa inaangking pangisdaan

Dahil sa patuloy na pagsira ng China sa coral reefs