Pinaralisa ng mga operatiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-North Central Mindanao ang dalawang backhoe ng Ulticon Builders Incorporated (UBI) noong Oktubre 16 ng alas-10:40 ng umaga sa Sityo Mahagwa, Barangay Hagpa, Impasug-ong, Bukidnon. Ang UBI ay kroning kumpanya sa konstruksyon ng mga Duterte na kumopo ng malalaking pampublikong kontrata.
Ang UBI ay isa sa mga nangungunang kumpanyang nagtatayo ng mga daanan sa North at South Mindanao na ginagamit ng malalaking burgesyang kumprador para padaliin ang pagpasok at operasyon ng mga dayuhang mina, ekspansyon ng komersyal plantasyon at mga planta ng enerhiya sa mga lupang agrikultural at lupang ninuno.
Matatagpuan sa Northern Mindanao ang pinakamaraming komersyal na plantasyon, na sumasaklaw sa 127,000 ektaryang lupaing pang-agrikultura. Ang Dole, Davco at Del Monte na sumasaklaw ng buu-buong mga komunidad at lupaing ninuno sa pitong bayan sa prubinsya, ay target na magpalawak pa ng aabot sa 80,000 ektarya rito at karatig na Misamis Oriental.
Kung susuriin mula sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 10, noon pa lamang unang kwarto ng taon ay binigyan na ng gubyerno ang UBI ng 20 proyekto sa rehiyon na nagkakahalaga ng ₱2.13 bilyon. Karamihan sa mga proyektong ito ay pagtatayo ng mga bagong kalsada at “rehabilitasyon.”
Malaki rin ang kinita ng UBI sa mga proyektong Support to Barangay Development Program (SBDP) na pork barrel ng mga heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Task Force-Elcac. Mayroong 303 barangay na nilaanan ng ₱3.2 bilyon sa buong Northern Mindanao, kung saan 157 dito ay sa Bukidnon na may pondong ₱1.77 bilyon.
Noong 2021 ay pinatawan na ng parusa ng BHB ang UBI dahil sa pagsira nito sa kalikasan at pag-abuso sa mga manggagawa. Notoryus ang kumpanya sa napakababang sahod, hindi pagbabayad ng 13th month pay at iba pang benepisyo. Hindi rin ito nagbigay ng bayad-pinsala sa mga nasirng bahay, sakahan at gamit ng mga residente sa panahon ng konstruksyon nito.
Ang kumpanya ay regular din na nagkakaloob ng mga proyektong imprastruktura sa militar bilang suhol para protektahan ang mapangwasak na mga konstruksyon nito. Kabilang sa mga proyekto nito ang pagpapaunlad sa kampo ng 8th IB sa Barangay Poblacion, Impasugong noong Hulyo 2019.
Ang Ulticon, itinayo noon pang 1993, ay pinamumunuan ni Carlos Gonzalez. Anak niya ang ngayo’y kinatawan ng partylist na MARINO at deputy majority leader sa mababang kapulungan na si Lisandro Gonzalez. Bahagi rin siya ng mga nagpapatakbo sa UBI. Isa si Lisandro Gonzalez sa masusugid na tagasuporta ng mga panukala ng rehimeng Marcos Jr, kabilang na ang Maharlika Investment Fund.