Nagtipun-tipon noong Martes, Agosto 8, ang mga magsasaka, syentista at iba pang sektor sa prubinsya ng Albay upang gunitain ang isang dekada ng pagtutol ng mamamayan sa kontrol ng mga korporasyon sa binhi, teknolohiya, lupa at karapatan ng mga magsasaka sa mga barayti o uri ng pananmin sa kanilang mga sakahan.
Noong Agosto 8, 2013, sinugod ng 400 magsasaka sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Sikwal GMO at Masipag ang trial farm sa Pili, Camarines Sur para bunutin ang nakapunlang Golden Rice na klase ng palay. Nagmatigas ang Department of Agriculture Region 5 sa pagtatayo ng naturang trial farm sa kabila ng nauna nitong pangako na hindi ito gagawin nang walang pagsang-ayon mula sa mga magsasaka. Kasabwat ang International Rice Research Institute’s (IRRI) sa ginawang pagtatanim ng ineeksperimentong binhi.
Napigilan ng makasaysayang pagkilos ng mga magsasaka ang paglaganap ng Golden Rice at kontaminasyon (paghawa) nito sa lokal na mga barayti ng palay sa kalapit na mga sakahan.
“Hindi kami mangingiming ulitin ang pagbubunot ng mga nakatanim na Golden Rice kung kinakailangan para ito ay matutulan at hindi mapahintulutang maibenta at mabili sa mga palengke o tindaan at hindi ito maitanim sa aming mga sakahan. Hindi na lamang sa Bikol kundi gagawin namin sa buong bansa. Sapat ang naipon naminaming karanasan, lakas at lawak sa buong bansa upang mas malakas na mangampanya laban sa GMO gaya ng Golden Rice at BT Talong,“ pahayag ni Fernando DeChavez, tagapagsalita ng SIKWAL GMO.
Noong Abril 19, kinatigan ng Korte Suprema ang petisyon ng mga magsasaka para sa isang “Writ of Kalikasan” na kumilala sa kanilang pagtutol sa Golden Rice at GMO. Ayon sa desisyon, dapat sagutin ng mga nasa likod ng Golden Rice at ahensya ng pamahalaan at institusyon na sangkot sa proyekto ang mga hinaing ng mga tumututol dito. Kaugnay nito, ipinapanawagan din ng mga magsasaka at malawak na mamamayan na mabigyan ng Temporary Environmental Protection Order o TEPO para tuluyang ipatigil ang pagtatanim, komersyal na pagbebenta at pagpapakain ng Golden Rice sa mamamayan.
“Kami ay nangangamba na ang pagpapatuloy ng pagtatanim ng Golden Rice ay magdudulot ng kontaminasyon sa ating mga binhi lalo sa mga katutubo at tradisyunal na mga binhi ng palay na kasalukuyan naming itinatanim at kinakain. Sa katangian ng produksyon ng palay sa ating bansa, siguradong magiging mabilis ang kontaminasyon ng mga GMO na ito sa mga hindi GMO na palayan o sakahan dahil sa mga ginagamit na makinarya at post-harvest facilities,” patuloy ni DeChavez.
Kabilang sa mga lumahok sa paggunita ang Resistance and Solidarity against Agrochemical TNCs (Resist Network), isa sa malaon nang tumututol sa Golden Rice at GMO (genetically-modified organism) sa sektor ng agrikultura. Mula’t sapul, nanindigan ang network na walang kahihinatnan ang proyektong Golden Rice na pinalalabas na solusyon sa masalimuot na problema ng kakulangan ng Vitamin A sa pinakamahihirap na bata at kababaihan.
“Ang deficiency na ito ay sintomas lamang ng malnutrisyon na bunga ng matinding kahirapan,” ayon sa network. “Malinaw ang mas malaking motibo ng mga korporasyong biotech sa tubo. Ibubukas ng Golden Rice ang paglaganap ng iba pang produktong genetically-enhanced na magreresulta sa pagbabago ng ating pagkain, at magpapailalim sa agrikultura at mga sistemang pagkain sa higit pang pagkontrol ng mga korporasyon.”