Pilit na pinasok at niransak ng mga sundalo ng 62nd IB ang mga bahay ng mga katutubo sa mga barangay ng Isabela, Negros Occidental habang nagsasagawa ng operasyong kombat na bahagi ng kontra-insurhensyang kampanya ng Armed Forces of the Philippines.
Sa Barangay Banog-Banog, pinasok ng mga tropa ng 62nd IB ang bahay ng mag-asawang magsasaka na sina Danila at Libeth Gerunda sa Sityo Lower Caliban noong Marso 19. Hindi inabutan ng mga sundalo ang mag-asawa sa naturang bahay pero nakita nila ang anak ng mga ito. Tinatok at pilit na kinuhanan ng litrato ng mga sundalo ang mga kabataang menor-de-edad sa naturang bahay. Nagdulot ito ng labis na takot sa mga bata.
Samantala, noong Marso 17, pinasok ng nag-ooperasyong tropa ng 62nd IB ang bahay ni Renante Villacapa sa Sityo Caliban sa parehong barangay. Ininteroga siya ng mga sundalo at pilit na isinama sa kanilang operasyong kombat para magsilbing giya sa operasyon laban sa Bagong Hukbong Bayan.
Ang pagdadawit sa mga sibilyan sa armadong tunggalian ay labag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL na pinirmahan kapwa ng gubyenro ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines.
Nilabag nito ang Ika-4 na Bahagi, Artikulo 4, Numero 4 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin.” Taliwas din ito sa mga panuntunan ng internasyunal na makataong batas na nangangalaga sa kagalingan ng mga sibilyan sa gitna ng armadong tunggalian.
Ayon sa mga ulat, nagpapatuloy ang operasyon ng higit 150 tropang militar sa maraming komunidad ng mga katutubo sa Barangay Makilignit, Barangay Banogbanog at Barangay Riverside sa bayan ng Isabela. Marami sa mga sibilyan ang sapilitang pinasusuko, nirered-tag at sinisindak ng mga sundalo sa kanilang operasyon.