Naglunsad ng isang araw na ayuno ang mga bilanggong pulitikal sa Isla ng Negros kahapon bilang protesta sa ika-4 na anibersaryo ng malagim na Oplan Sauron 2 o ang sabayang pagpaslang sa 14 na lider-magsasaka at pag-aresto sa ilampung iba pa sa isla noong 2019. Lumahok sa ayuno ang hindi bababa sa 141 bilanggong pulitikal sa isla.
Ayon sa pahayag ng mga bilanggong pulitikal, pakikiisa nila ang ayuno sa panawagan para sa hustisya sa mga naging biktima ng Oplan Sauron 2. Pinatay ng mga pwersa ng estado sa Oplan Sauron 2 ang 14 na lider at kasapi ng mga grupo ng magsasaka sa Canlaon City at mga bayan ng Manjuyod at Sta. Catalina sa Negros Oriental. Isinagawa ito mula ala-1 ng madaling araw hanggang ala-5 kung kailan tulog at nagpapahinga ang karamihan.
Inaresto rin sa parehong operasyon ang ilampung mga aktibistang magsasaka kabilang ang ngayo’y 63 anyos na si Azucena Garubat at ang 61-anyos na maysakit na si Corazon Javier na kasalukuyang nakapiit sa Canlaon City Jail na kumakaharap sa gawa-gawang kasong illegal possession of explosives.
Ipinanawagan din ng mga bilanggong pulitikal ang hustisya sa napakaraming biktima ng ekstra-hudisyal na pagpatay at sadyang pagpatay sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa isla. Kabilang sa mga biktima ang kanilang mga taga-suporta tulad nina Atty. Ben Ramos (pangkalahatang kalihim ng National Union of Peoples’ Lawyers sa Negros Occidental, Atty. Anthony Trinidad, at si Councilor Toto Patigas na tumayong pangkalahatang kalihim ng Northern Negros Alliance of Human Rights Advocates, at si Zara Alvarez ng Karapatan-Negros Occidental. Liban dito, mayroon ding mga kaso ng pagpatay sa mga kaanak ng mga bilanggong pulitikal at maging panggigipit sa kanila.