Sa paggunita ng ika-54 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), naglunsad ng isang iglap-protesta ang ilampung kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) sa kahabaan ng Bluementritt, Maynila, noong Abril 2. Ang KM ay lihim na rebolusyonaryong organisasyong ng mga kabataan.
Ilang linggo bago ang rali, tulong-tulong na naghanda ang mga kasapi mula sa iba’t ibang balangay sa punong lungsod. Tiniyak ng bawat balangay ang mga lalahok na kasapi, pagpipinta ng malalaking istrimer, paghahanda ng mga plakard at mga bandila, pati na ang mga gagamiting takip sa mukha. May nagrekorida sa lugar na pagdadausan ng protesta, at umugnay sa mga reporter sa masmidya. Naghanda rin ng pag-ugnay sa mga paralegal team sakaling kailanganin ang kanilang tulong ligal.
Nagbigay-pugay sa BHB ang pambansang tagapagsalita ng KM na si Maria Laya Guerrero. Kinilala ni Guerrero ang patuloy na pagpupunyagi ng BHB para ibayong isulong ang rebolusyong Pilipino bilang sagot sa lumalalang krisis ng lipunan sa ilalim ng ikalawang rehimeng Marcos.
“Hangga’t nananatili ang reaksyunaryong US-Marcos at pagpapatupad nito ng mga huwad na batas, lumiliyab ang rebolusyonaryong kilusan bilang kagyat at pangunahing solusyon para tugunan ang pambansa at demokratiko nating kahilingan,” ani nito.
Sa buong panahon ng paghahanda at paglulunsad ng raling-iglap, nagsilbing inspirasyon ng mga kasapi ng KM ang hukbong bayan at mga Pulang mandirigma.
Marami sa mga tao sa kahabaan ng Blumentritt ang tumigil at nakinig sa maiksing programang isinagawa. Marami ay napatango pa sa talumpati ng tagapagsalita. Matapos ang programa, organisadong nagtiwalag ang naglaho sa kakapalan ng tao sa paligid. Sa kabila ng intimidasyon at panghahabol ng mga pulis, hindi nito napigilan ang pagpupunyagi at pagtatanghal ng kabataan sa pinakamamahal na Bagong Hukbong Bayan!
Ang isinagawang iglap-protesta ay isa lamang sa mga aktibidad ng KM para sa pagdiriwang ng anibersaryo ng BHB. Sa mga susunod na linggo, inaasahan ang pagtungo ng mga kabataan sa kanayunan at kabundukan para sumanib sa BHB, makipamuhay sa masa, at buuin ang kapasyahang maging bagong mga Pulang mandirigma.
Sa kabila ng sunod-sunod na anti-insurhensyang patakaran ng pasistang estado, nananatiling matatag at nagpupunyagi ang armadong rebolusyong pinangungunahan ng BHB sa ilalim ng mahigpit na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).