Nagprotesta sa harap ng munisipyo ng Capas, Tarlac noong Abril 13 ang daan-daang residente mula sa mga barangay Santa Lucia at Lawy para igiit ang kanilang karapatan sa lupang binubungkal. Hiningi ng mga residenteng myembro ng Nagkakaisang Mamamayan ng Santa Lucia para sa Lupa, Kabuhayan, at Paninirahan na mamamagitan ang lokal na gubyerno para ipagtanggol ang kanilang komunidad laban sa pangangamkam ng lupa ng AFP.
Ayon sa samahan, ilang linggo nang pilit na sinisira ng mga sundalo mula sa Installation Management Battalion ang umaabot sa 20 ektaryang sakahan sa Brgy. Santa Lucia sa utos ng isang Lt. Col. Lazaro. Karugtong ang naturang lupa sa firing range ng mga sundalo. Sa kasalukuyan, itinayo ng mga sundalo ang isang firing range na 10-20 metro ang layo sa mga sakahan. Anila, dapat 1-2 kilometro dapat ang layo ng gayong mga pasilidad militar sa mga lugar na residensyal. Balak ng AFP na idaos ang ASEAN Rifle Meet sa 2024 sa kinakamkam na sakahan. Sa nakaraan, may isang kambing at kalabaw nang tinamaan at napatay. Mayroon na ring matandang nasugatan nang tamaan ang salamin ng simbahan at tumalsik ang bubog nito. Magiging bahagi ng Camp O’Donell ang mga sakahan.
Pangamba ng mga residente, hindi lamang ang unang target na 8-10 ektarya ang kakamkamin ng mga sundalo kundi pati ang lupang kinatitirikan ng kabahayan. Sa huling ulat, umabot na sa 20 ektarya ang sinakop ng mga sundalo.
“Gusto namin pigilan, pero bata-batalyon po ang dinala nilang sundalo para pilit ituloy ang pagsira ng aming mga bukid at pananim,” ayon sa isang apektadong magsasaka na saksi sa paninira sa bukid at pandarahas ng militar.
Sa isang ulat-bidyo na inilabas sa Facebook ng Focus GL at Altermidya, kitang-kita ang pagbuldoser ng dose-dosenang mga sundalo sa mga palayan ng mga magsasaka. Hinarang pa ng hanay ng mga sundalo ang mga magsasakang sumugod sa lugar. Makikita ring kinukunan ng mga sundalo ng bidyo ang mga magsasaka. May ilan pang animo’y mga panginoon na nakasakay sa buldoser habang pinanonood at binibidyuhan ang galit na galit na mga residente.
Tanong ng isang magsasaka sa isang sundalong nakatakip ang mukha, “anong ipapakain namin sa mga pamilya namin?” Deka-dekada na nilang binubungkal ang naturang lupa.
Panawagan nila sa lokal na gubyerno: itigil ang pangangamkam ng lupa, paninira ng mga pananim, bigyan ng kumpensasyon ang sinirang mga pananim at ari-arian at imbestigahan ang mga paglabag ng mga sundalo sa karapatan ng mga residene.