Ang Bayan Ngayon » 2 sibilyan sa Albay, nasugatan sa pamamaril ng militar

May 3, 2024


Kinundena ng Karapatan-Bicol ang pamamaril ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines sa dalawang magsasaka sa Barangay del Rosario, sa Jovellar, Albay at pag-aresto at panggigipit sa dalawang iba pa noong Abril 25.

Ayon sa grupo, iligal na inaresto at pinadapa ng mga sundalo ang magtiyuhin na sina Ernesto Lumangaya at Arlan Lumangaya, alas-2 ng madaling araw. Habang isinasagawa ito, dumaan ang motorsiklong sakay sina Ace Diano at Francis Leteral galing sa piyestahan sa Barangay Libtong de Vera na sakop ng Donsol, Sorsogon.

Sinigawan ng mga sundalo ang dalawang nakamotor na huminto at pinagbabaril nang hindi sila tumalima dahil sa takot. Tinamaan ng bala sa dalawang paa si Leteral at si Diano sa braso.

“Dahil sa pangyayari na pawang mga sibilyan ang kanilang binaril, umalis ang mga militar at iniwan na lamang ang kanilang mga biktima na hindi man lamang tinulungan na malapatan ng paunang lunas at madala sa pinakamalapit na ospital,” ayon sa Karapatan-Bicol. Sa pagmamadali, iniwan pati ng mga sundalo ang magtiyuhin balak nilang arestuhin. Ang mga ito na ang humingi ng saklolo sa kanilang mga kababaryo para maihatid sa ospital ang dalawang magsasakang nabaril.

Sa impormasyon ng grupo, liban sa insidenteng ito ay sunod-sunod ang mga kaso ng panggigipit at iligal na panghahalughog sa mga bahay sa mga barangay ng del Rosario, Jovellar, Albay at sa de Vera, Donsol, Sorsogon. “Panawagan ng mga residente ang itigil na ang militarisasyon sa kanilang mga lugar dahil sa troma at ibayong takot,” ayon sa grupo.

Noong Abril 26, para mapagtakpan ang kanilang karumal-dumal na mga krimen at patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao, nagpakana ng “Community Peace Dialogue at Serbisyo Caravan” ang 31st IB at mga lokal na ahensya sa Barangay del Rosario. Minanduhan ng 31st ang mga ahensyang pangkalusugan at iba galamay ng lokal na gubyerno para sa kanilang palabas na pagbibigay serbisyo.

Sa tabing ng serbisyong medikal, pamamahagi ng pagkain at pagsasagawa ng libreng gupit, inilunsad ng mga berdugo ang kampanyang rekrutment sa reaksyunaryong hukbo at nagpakalat ng kasinungalingan kaugnay ng anti-mamamayan at bogus na Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss