Ang Bayan Ngayon » 24-oras protestang ayuno, inilunsad ng mga detenidong pulitikal sa Negros

April 19, 2024


Inilunsad ng mga detenidong pulitikal ng Negros ngayong araw, Abril 19, ang isang 24-oras na pag-ayuno para ipanawagan sa Commission on Human Rights na patuloy na imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang-tao sa isla, partikular ang mga kaso mula nang maupo si Ferdinand Marcos Jr sa poder. Mayroong 128 detenido sa isla ng Negros, na bumubuo sa 16% ng lahat ng mga detenidong pulitikal sa bansa.

Ayon sa pamilya at mga kaibigan ng mga detenido sa ilalim ng Kapatid (Kapisanan para sa Pagpapalaya ng mga Detinidong Pulitikal sa Pilipinas)-Negros, ang ayuno-protesta ay tugon sa ibinunyag ng CHR noong Marso 9 na barado ang mga imbestigasyon nito sa isla dahil sa pagtangging makipagtulungan ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines dito.

Kabilang sa mga di umusad na imbestigasyon ang pagdukot ng mga pwersang estado at pagdesaparesido kay Lyngrace Marturillas, anak ng detenidong si Mary Joy Enyong. Si Marturillas, noo’y kasama ni Rogelio Posadas at dalawang drayber ng habal-habal na sina Renald de los Santos at Denald Mialen ay hinarang ng mga sundalo sa Hinigaran-La Castillana Road noong Abril 19, 2023. Kinabukasan, inianunsyo ng 62nd IB na napatay si Posadas sa Barangay Biao sa diumano’y isang engkwentro sa pagitan ng BHB at AFP. Hanggang ngayon, di inaamin ng AFP na dinakip nito sina Marturillas, de los Santos at Mialen.

Nanawagan ang Human Rights Advocates in Negros sa 303rd IBde na ilitaw na sina Mialen, de los Santos at Marturillas sa anibersaryo ng kanilang pagdukot. Nanawagan rin ito ng hustisya para kay Rogelio Posadas.

Mula nang maupo sa poder si Ferdinand Marcos Jr, sumirit ang bilang ng mga paglabag sa karapatang-tao at sa internasyunal na makataong batas sa Negros, ayon sa Kapatid-Negros. Kabilang dito ang pagmasaker sa pamilyang Fausto noong Hunyo 14, 2023, pagmasaker sa limang hor de combat na myembro ng BHB at isang drayber ng traysikel noong Setyembre 21, 2023 sa Kabankalan City, gayuding ang pambobomba na isinagawa sa Escalante City noong Pebrero 21 ngayong taon.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss