Ang Bayan Ngayon » 7 boluntir ng makataong organisasyon, pinatay ng US-Israel sa Gaza

April 3, 2024


Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pitong boluntir ng mapagkawanggawang organisasyong World Central Kitchen (WCK) ang napatay sa airstrike ng mga pwersang Israeli sa sinasakyan nilang kotse noong Abril 1. Kabilang sa mga napatay ang isang British, isang Australian, isang mula sa Poland, isang may hawak na US at Canada dual citizenship, at isang Palestino. Unang isinawalat ng Hamas ang krimen at kinundena ang Israel sa pagpatay sa dayuhang mga sibilyan.

Binira ng Zionistang Israel ang kotse kahit pa may koordinasyon ang paglalakbay nito sa mga pwersa nito sa lugar. Malinaw rin ang WCK logo sa kasabay nitong dalawa pang armoured na sasakyan, ayon sa WCK.

“Sa kabila ng pakikipagkoordinasyon (namin) ng kilos sa IDF, binira ang komboy habang palabas ito sa Deir al-Balah warehouse sa Central Gaza, kung saan nagdiskarga ang tim ng mahigit 100 toneladang pagkaing ayuda na dumating sa Gaza sa pamamagitan ng dagat,” ayon sa pahayag ng WCK. Mahigpit na kinundena ng organisasyon ang pagpatay na anila’y hindi lamang atake sa WCK kung atake sa lahat ng mga orgnanisasyong makatao na pumapasok sa nakagigimbal na sitwasyon kung saan ginagamit ang pagkain bilang armas sa digma.

“Hindi ito kapata-patawad,” ayon sa WCK. Agad na sinuspinde ng grupo ang mga operasyon nito sa Gaza. Nangangahulugan ito ng lalo pang paglalim ng nagaganap nang matinding kasalatan ng pagkain sa Gaza. Sa tala ng Human Rights Watch, nasa 170 nang mga aid worker ang pinatay sa Gaza. “Dapat itigil ang pagtarget sa kanila,” pahayag nito.

Sa harap ng malawakang pagkundena sa maramihang pagpatay, napilitan ang pasistang pinuno ng Zionistang estado na si Benjamin Netanyahu na amining napatay ang pito dulot sa isang airstrike ng mga pwersang Israeli pero ito daw ay “di sinasadya.” Ito ang kauna-unahang pagkakataong umamin si Netanyahu na may tinamaang “inosenteng mamamayan” ang Israel, dulot pangunahin sa katotohanang mayorya sa mga napatay ay hindi Palestino, at mula sa mga bansang tahasang sumuporta at patuloy na sumusuporta sa henosidyo nito laban sa Palestine. Ilang oras bago ang mensahe ni Netanyahu, walang gayong pag-amin ang militar ng Israel at nagpahayag lamang na “paiimbestigahan” nito ang pangyayari.

Agad na nanawagan ang mga upisyal ng United Kingdom sa rehimeng Netanyahu na ipaliwanag nang buo ang naganap na airstrike. Patuloy rin itong humihingi ng paliwanag kaugnay sa pag-airstrike ng Israel sa mga gusali ng Medical Aid for Palestine noong Enero, kung saan may apat na boluntir na British na doctor. Nagpahayag din ng matinding pagkadismaya ang gubyerno ng Australia at Poland.

Halos 33,000 Palestino na ang pinatay at 75,494 ang nasugatan sa gerang henosidyo ng US at Israel sa Gaza mula Oktubre 7, 2023. Dagdag dito ang tinatayang 7,000 ang di pa natatagpuan, at ipinagpapalagay na namatay at nakalibing sa ilalim ng binombang mga gusali at bahay.

Sabwatang US-Israel para patayin sa gutom ang mga Palestino

Samantala, isang panibagong “flour massacre” ang isinagawa ng mga pwersang Israeli noong Marso 30 sa Gaza City. Pinaulanan ng bala ng mga sundalong Israeli ang naghihintay na mga Palestino sa pagdating ng mga trak na nagdadala ng ayuda na mula sa Kuwait. Nagresulta ito sa masaker at maraming sugatan.

Naganap ang unang “flour massacre” noong Pebrero 29 sa Sheikh Ajleen, Gaza City, kung saan 112 Palestino ang napatay at 750 ang nasagutan matapos paulanan ng bala ng mga pwersang Israeli ang daan-daang Palestinong naghihintay ng ayudang harina.

Ayon sa Hamas at ng mga grupo ng Resistance (Paglaban) sa Gaza, inawtorisa ng US ang sadyang pamamaril ng mga pwersang Israeli sa unang “flour massacre.”

“Ang gera para patayin sa gutom ang mga Palestino na ipinataw ng mananakop sa mga residente sa Gaza Strip, laluna sa hilagang bahagi nito, ay may buong koordinasyon sa pagitan ng administrasyong Amerikano at ng gubyerno ng mga mananakop,” pahayag ng isang upisyal ng Hamas noong Marso. Ang pagmasaker sa Al-Rashid St habang isinagawa ang pamamahagi ng ayuda ay may “green light” (permiso) mula sa US, para ipitin ang Resistance na gumawa ng mga konsesyon sa pakikipagnegosasyon nito para sa palitan ng mga detenido (prisoner swap) at pagtatapos ng okupasyon ng Israel sa Gaza, anito.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

When clay meets fire: The ceramic magic of Jon Pettyjohn

Steps is Jon Pettyjohn’s third solo ceramics exhibition at the

PRWC » Pulang saludo kay Ka Hunter at Ka Mamay, mga bayani at martir ng rebolusyon!

Ngayong araw, muli nating pinagpupugayan ang mga mahal nating kasama