Ang Bayan Ngayon » Balikatan war games at pagpapakatuta ng meyor ng Laoag City sa imperyalistang US, binatikos ng NDF-Ilocos

May 4, 2024


Binatikos ng National Democratic Front (NDF)-Ilocos ang meyor ng Laoag City na si Michael Marcos Keon, pinsang buo ni Ferdinand Marcos Jr, sa lantarang pagpapakatuta sa amo nitong imperyalistang US. Isasagawa ang bahagi ng Balikatan sa Ilocos Norte mula Mayo 6 hanggang Mayo 10. Isinagawa rin dito ang ilang bahagi ng Balikatan noong nakaraang taon.

Ayon kay Ka Rosa Guidon, tagapagsalita ng NDF-Ilocos, tahasang pang-uulol sa mamamayan ng syudad at ng buong Ilocos Norte ang pahayag ni Mayor Keon na “walang dapat ikabahala” sa war games. Depensa ito ni Keon sa mga naglabasang pahayag ng pagtutol ng iba’t ibang makabayan at demokratikong organisasyon na kumatawan sa sentimyento ng maraming mamamayan sa iba’t ibang bayan sa Ilocos Norte.

Kabilang dito ang pagkundena ng Bagong Alyansang Makabayan-Ilocos at Alyansa Dagiti Mannalon ti Ilocos Norte (AMIN).

Hindi bababa sa 2,000 tropang militar ng Pilipinas at US ang tatapak sa Laoag City para sa war games. Kasama din sa magiging pagsasanay ang pwersang pandepensa ng Australia at France. Manonood naman dito ang mahigit 10 pang dayuhang mga hukbo.

Ayon mismo sa meyor ng syudad, isasagawa sa La Paz sand dunes sa Barangay La Paz ng live-fire exercises na tatagal ng dalawang oras at kalahati. Pampalubag-loob ang sinabi niyang gagawin ang mga ito sa umaga para sa minimum na gambala sa mga residente. Nakatakda ring pasabugin at palubugin ng pwersa ng US at Pilipinas ang BRP Lake Caliraya, isang barkong decommissioned, sa karagatan sa tapat ng prubinsya.

Bago pa mismo ang pagdagsa ng pwersang Amerikano, labis na ang pagkaalarma ng mga residente ng Laoag City nang dumagsa sa syudad ang naglalakihang mga trak ng militar at kagamitang pandigma sa nagdaang mga linggo. Ayon kay Ka Rosa, “nabigla ang masa sa pagdagsa ng [mga ito], maging ang mga upisyal ng barangay La Paz at pati ang konseho ng syudad.” Ibinahagi pa ni Ka Rosa na hindi naabisuhan kahit ang mga lokal na upisyal sa magiging kondukta ng war games kaya hindi sila nakapaghanda at nakapagpaliwanag sa mga residente.

Tanong sa mga residente ng Laoag, bakit maglulunsad ng isang ehersisyo kung wala kang pinaghahandaan? “Kung magsasagawa ka ng war games, ibig sabihin ay may magaganap na gera kung saan sasabak ka. Kung naghahanda ka sa pagdepensa sa pag-atake ng China, e di makikigera ka pag umatake ang China!” Tahasang binabalewala ni Mayor Keon ang sentimyentong ito ng taumbayan.

“Ayaw na ayaw ng masa sa Ilocos Norte na idaos sa prubinsya ang Balikatan dahil naranasan na nila ang panganib na idudulot nito sa kanila. Sa mga live fire exercises noong nakaraan ay nagutom sila dahil binawalan silang pumalaot upang mangisda at pinabakwit ng ilang araw,” pagbabahagi pa ni Ka Rosa. Paliwanag pa niya, mayroong mga mangingisdang hindi natiis na di pumalaot dahil kailangang kumita at natulak na sumuong sa panganib na maipit sa war games.

“Yanig na yanig sila sa shockwave ng mga pinasabog na bomba, kahit malayo na sa mismong site. Sa Barangay Pasaleng, Pagudpud na 25 kilometro ang layo sa Barangay Bobon, Burgos na pinagpasabugan ng bomba [noong 2023] ay ramdam pa rin ang yanig na parang linindol. Nameligro at naperwisyo din ang mamamayan ng Barangay San Joaquin, Sarrat, kung saan pinalahok sila sa war games sa pagbubuhat ng mga kunwari ay makakaswalti na mga Amerikanong sundalo,” ayon pa kay Ka Rosa.

Bilang bahagi ng paghahanda sa malaking war games, dumating si General Charles A. Flynn, Commanding General ng US Army Pacific noong Abril 28 sa Laoag Airport para magsagawa ng inspeksyon. Isinagawa naman ng 77th IB ang isang simulation sa sand dunes sa Barangay La Paz noong Mayo 1.

Samantala, noong nakaraang linggo pa nagkukumahog ang yunit ng pulis ng Laoag City para magsagawa ng “Oplan Bandillo” o kampanyang impormasyon kaugnay ng Balikatan para pagtakpan ang malaking perwisyo at pagkagambalang idudulot nito sa lokal na pamumuhay at kabuhayan.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Rights group: Terror tag vs peace consultants shows ‘duplicity of Marcos in pursuing talks’

The resolutions against the two women NDFP consultants and the

Military Situation In Ukraine On April 23, 2023 (Map Update)

Click to see full-size image The Russian Army targeted two