Ang Bayan Ngayon » NDF-Rizal, namahagi ng polyeto para sa ika-55 anibersaryo ng BHB

March 29, 2024


Namahagi ng polyeto ang mga kasapi ng National Democratic Front (NDF)-Rizal sa mga dumalo at nakiisa sa Alay Lakad sa Antipolo City noong Marso 28. Ang tradisyunal na aktibidad na ito ng pananampalataya ng mga Katoliko tuwing Semana Santa, kung saan milyun-milyong deboto ang nakikiisa, ay ginawang okasyon ng NDF-Rizal para ipabatid ang pagdiriwang ng ika-55 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Ipinamahagi nila ang polyetong naglalaman ng ’10 Dahilan Bakit Mahal ng Mamamayan ang NPA,’ materyal na inilabas ng BHB-Southern Tagalog (Melito Glor Command). Ipinaliwanag dito na ang BHB ang tunay na hukbo ng mamamayan na nagtatanggol sa kanilang demokratikong interes at magpapalaya sa bansa sa neokolonyal na paghahari ng imperyalistang US.

Inililinaw rin dito kung ano mga tungkulin at ginagawa ng mga Pulang mandirigma para sa mamamayang anakpawis taliwas sa kasinungalingang ipinakakalat ng armadong pwersa ng reaksyunaryong estado na AFP-PNP-CAFGU, National Task Force-Elcac.

Ayon kay Ka Arman Guerrero, tagapagsalita ng NDF-Rizal, isang bahagi pa lamang ang pamomolyeto ng gagawing serye ng mga aktibidad ng pagdiriwang para itanghal at pagpugayan ang kabayanihan ng mga Pulang mandirigma ng hukbong bayan.

Ani Guerrero ang mga rebolusyonaryo sa prubinsya ng Rizal ay nakahandang paigtingin ang mga pakikibaka ng iba’t-ibang batayan at pinagsasamantalahang mga uri at mag-ambag sa pagpapalakas ng itinatayong mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Gayundin ang pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran at makapag-ambag sa lakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibakang pangunahing isinusulong ng NPA ng walang kabayaran at buhay man ang ialay.

Nitong Marso, muling nag-anunsyo ang AFP ng “dedlayn” para gapiin ang mga yunit ng BHB sa mga larangang gerilya sa katapusan ng Marso, ang lahat ng “bertikal na yunit” ng hukbo sa katapusan ng Hunyo at ang buong BHB sa katapusan ng 2024. Inianunsyo ang bagong taning na dalawang buwan matapos ang huling “dedlayn” ng paggapi sa rebolusyonaryong kilusan sa katapusan ng 2023, at halos taun-taon bago nito.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss