Ang Bayan Ngayon » Pambansang Araw ng Pagkilos ng mga guro para sa dagdag-sweldo, isinagawa

April 28, 2024


Sama-samang nagsindi ng kandila at nagpailaw ang mga guro sa isang protesta sa Quezon City noong Abril 26 para sa Pambansang Araw ng Pagkilos na pinangunahan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines para igiit ang dagdag-sweldo. Isinagawa rin ang pagsisindi ng kandila sa Bacolod City. Nagkaroon naman ng mga aktibidad ang mga unyon ng ACT sa kani-kanyang eskwelahan sa buong bansa. Bahagi ito ng paghahanda para sa nalalapit na paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Mayo 1.

“Ngayon ay Pambansang Araw ng Pagkilos ng mga guro at kawani upang igiit ang matagal nang panawagan para sa disente at nakabubuhay na sahod. Siyam sa bawat sampung guro at kalakhan ng mga kawani ang hindi tumutuntong sa nakabubuhay na antas ang sweldo. Patunay ito ng patuloy na pagpapabaya ng gubyerno sa sektor,” pahayag ni Vladimer Quetua, ACT Chairperson.

Giit ng lider-guro, sinasalamin ng bumubulusok na kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ang hikahos na kalagayan ng mga guro at mga manggagawa sa sektor ng edukasyon. Sa pag-aaral ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018, ang Pilipinas ang pinakamahina sa reading comprehension o pag-unawa sa binabasa sa 79 bansang lumahok sa pag-aaral. Habang ika-78 naman ang bansa sa Science at Math.

Matagal nang panawagan ng mga guro at nasa sektor ng edukasyon, sa pangugnuna ng ACT, na gawing ₱50,000 ang sahod ng mga bagong guro at ₱33,000 para sa lahat ng mga kawani ng gubyerno. “Hindi kami naniniwalang hindi ito kayang pondohan ng gubyerno,” ayon pa kay Quetua.

Sa hanay ng mga pampublikong kawani, isa sa pinakamababa ang tinatanggap na sweldo ng mga guro. Sumusweldo lamang ang Teacher 1 ng ₱27,000 kada buwan, habang ang katapat na pusisyon sa mga pulis na PO1 ay tumatanggap ng ₱29,668 at ang mga Nurse 1 ay ₱36,619.

Patunay umano ang paglulustay ng rehimeng Marcos ng pondo ngayong taon para iratsada ang charter change o chacha na mayroong pera ang kanyang administrasyon. Dagdag pa dito, ayon kay Quetua, ang bilyun-bilyong pisong ginagasta ngayon para sa isinasagawang war games ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at pwersang militar ng US sa bansa. “[Ang lahat ng ito] sa halip na tugunan ang kahingian para sa makatarungan at disenteng sweldo at sahod at paglalaan ng sapat na pondo para sa edukasyon at serbisyong panlipunan,” pagdidiin niya.

Liban sa mababang pasahod, pamalagian ding naaantala ang pagbibigay ng mga benepisyo ng mga guro dulot ng mabagal at inutil na tugon ng Department of Education.

Samantala, nananatiling nasa 159,000 ang bilang ng kulang na klasrum at 147,000 ang bilang ng kulang na guro.

Sa pagtatapos ng programa, inianunsyo ng ACT Philippines ang paglahok ng lahat ng mga unyon at organisasyon sa ilalim nito sa pambansang protesta sa darating na Mayo 1. Makikiisa ang sektor ng edukasyon para igiit ang karapatan sa disente at nakabubuhay na sweldo at sahod, anang ACT.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Shocking Footage Shows Turkish Soldiers Torturing Syrians On Border (18+)South Front

Turkish forces are seen at Mount Barsaya in northeast of

UNICEF Provides Libya With 55,000 Doses of Measles Vaccines | News

On Monday, the United Nations Children’s Fund (UNICEF) reported that