Ang Bayan Ngayon » Unyon sa Maynila, nagpiket para sa nakabubuhay na sahod

April 28, 2024


Nagsagawa ng piket-protesta ang mga kasapi ng Pambato Cargo Forwarder Labor Union (PCFLU-LAND-KMU) sa Blumentritt sa Maynila noong Abril 27 upang ipabatid sa publiko ang laban nila at ng mga kauring manggagawa para sa nakabubuhay na sahod. Anang unyon, dapat tugunan ng gubyerno ang panawagan ng mga manggagawa para sa nakabubuhay na sahod sa halip na gastahin ang pondo ng bayan sa pagtutulak ng charter change (chacha). Paghahanda rin ang naturang piket sa pagdiriwang sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa, Mayo 1.

Ayon sa PCFLU, itinutulak nila sa antas ng kanilang kumpanya at sa pambansang saklaw ang dagdag-sahod. Ayon sa panayam ng Mayday Multimedia kay Ka Jun, bise presidente ng unyon, nakatakda silang pumasok sa negosasyon para sa huling dalawang taon ng Collective Bargaining Agreement (CBA) ng unyon at maneydsment. Aniya, dagdag-sahod rin ang pangunahing hiling ng unyon sa CBA.

Sa National Capital Region, nakapako sa ₱610 (pinakamataas na sa bansa) ang minimum na arawang sahod ng regular na mga manggagawa. Malayong-malayo ang halagang ito sa ₱1,197 na halaga ng nakabubuhay na sahod para sa isang lima-kataong pamilya sa huling taya noong Marso. Dagdag pa dito, kinain ng 3.3% inflation rate ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa sa parehong panahon.

Liban sa dagdag-sahod, igigiit din umano ng unyon sa negosasyon ang regularisasyon ng lahat ng mga manggagawa sa kanilang empresa para sa karagdagang proteksyon at pagtataguyod ng kanilang interes. Kasalukuyan din nilang inilalaban ang pagbibigay ng karampatang separation pay sa mga manggagawa ng kanilang kumpanya na nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng isa sa kanilang mga shop.

Ibinahagi din ng lider-unyonista ang kahandaan ng kanilang mga kasapi at kapwa manggagawa sa kumpanya na lumahok sa malawakang pagkilos sa darating na Mayo 1. “Hindi lang kaming mga regular at myembro ng unyon ang pupunta. Kasama rin namin ang mga kontraktwal at aming mga pamilya,” aniya.

Itinatag ang unyong PCFLU noong 1986. Kabilang ito sa pederasyong Labor Alliance for National Development (LAND) na kaanib ng Kilusang Mayo Uno.

Ang Pambato Cargo Forwarder, Inc ay nasa industriya ng pagdedeliber at cargo shipping. Itinatag ito noong 1979 at kasalukuyang mayroong apat na mayor na sentro sa Luzon at higit 15 sangay sa Visayas at Mindanao. Tinatayang higit 800 ang mga manggagawa ng kumpanya.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

MANIBELA, PISTON, naghain ng petisyon sa Korte Suprema para ipatigil ang jeepney phaseout –

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang mga grupong Pagkakaisa

Ang Bayan » Pagpapalaya kina Benito Quilloy at Rita Espinoza, iginiit

Sa darating na Oktubre 19, papasok na sa ika-6 taon