Pagsasanay na Salaknib, Balikatan, naglalagay sa Pilipinas sa peligro

March 25, 2023

Inilalagay ng magkakasunod na pagsasanay militar at presensya ng libu-libong tropang Amerikano at kanilang mga sandata ang Pilipinas sa peligrong makaladkad sa inter-imperyalistang gera sa pagitan ng US at China.

“Sa ngayon na may sigalot ang US at China…mahirap malagay sa gitna ng nag-uumpugang bato lalo pa at ang mamamayan natin ang maaapektuhan,” pahayag ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro.

“Ang pagsasanay na Salaknib, ang pagdaong ng barkong pandigmang USS America at ang nalalapit na Balikatan war game kung saan lalahok ang 12,000 (tropang Amerikano) ay bahagi ng pagpapakitang-lakas at pagpapakitang-gilas ng US sa rehiyon,” ayon naman sa Bayan. “Ano ang pakinabang nito sa mamamayan? Bakit natin hinahayaan ang isang imperyalistang halimaw na responsable sa mga gera sa Afghanistan, Iraq, Libya at Syria, na dalhin ang panunulsol nito sa rehiyon?”

Binweltahan nito ang papet na estado ng Pilipinas sa pag-aktong “utusan para sa imperyalistang adyenda ng US sa Asia.”

Pang-uupat ng gera

Sa kauna-unahang pagkakataon, magsasagawa ang US ng live-fire exercise (o pagpapaputok ng tunay na bala o bomba) ng mga Javelin ATGM sa teritoryo ng Pilipinas sa Marso 31. Kokopyahin sa Salaknib ang mga teknik at taktikang ginagamit ng mga tropang Ukrainian sa gerang proxy ng US laban sa Russia. Ang Javelin ATMG ay isang portable na kontra-tangkeng sandata na ginagamit ngayon ng US sa Ukraine.

Bahagi ang aktibidad ng Salaknib exercises na nagsimula noong Marso 14. Magtatapos ang pagsasanay sa Abril 4 para bigyan-daan ang mas malaki at mas masaklaw na pagsasanay na Balikatan. Ang Salaknib ay taunang aktibidad na isinasagawa ng US army para sanayin ang Armed Forces of the Philippines. Kalahok sa pagsasanay ngayong taon ang 3,000 sundalo.

Kasama sa Salaknib ang 1st Brigade Combat Team, Special Forces Regiment (Airborne), First Scout Ranger Regiment, Light Reaction Regiment, 5th ID, 7th ID, Armor Division ng Philippine Army.

Magkakaroon din ng live-fire exercises para sa paggamit ng rocket system sa Abril 1, gamit ang Multi-Launch Rocket System. Samantala, tapos na ang pagsasanay sa pagpapaputok ng iba’t ibang sistema ng rocket at artileri gamit ang High Mobility Artillery Rocket Systems o HIMARS, M119A3 105mm towed howitzer at 81mm at 60mm extended-range mortar.

Ang mga mortar na 105mm at 81mm ay walang pakundangang ginagamit ng AFP para bombahin ang mga sibilyang komunidad sa kampanya nito laban sa Bagong Hukbong Bayan.

Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss