Ang Bayan » Pangakong trabaho at kaunlaran ng dayuhang pamumuhunan, malaking panloloko

March 26, 2023


Sa kasaysayan ng Pilipinas, hindi nakalikha ng maraming trabaho ang dayuhang pamumuhunan. Hindi nito napaunlad ang lokal na ekonomya, at sa halip ay nagpatindi ito sa pagkaatrasado at di industriyalisadong kalagayan ng bansa. Hindi rin nito natugunan ang kahirapan sa bansa. Ang mga ito ang inilinaw ng Ibon Foundation para kontrahin ang panlolokong magdadala ng kaunlaran ang ibayong pagbubukas sa ekonomya sa dayuhang pamumuhunan. Ang pagdadahilang ito ang ginagamit ngayon ng rehimeng Marcos para baguhin ang konstitusyon at isaksak sa lalamunan ng mamamayan ang ninanais nitong neoliberal at awtoritaryang konstitusyon.

“Sa nakaraang dalawang dekada, limang beses na lumaki ang dayuhang pamumuhunan mula $2.2 bilyon noong 2000 tungong $10.5 bilyon noong 2021,” ayon sa institusyon. “Gayunapaman, kahit bago ang pagbwelo at pagbawi mula sa pandemya, ang netong nalikhang trabaho sa dekadang 2010-2019 ay mas mababa kumpara sa nakaraang dekada ng 2001-2009.” Noong 2017, kung kailan pinakamalaki ang pumasok na dayuhang pamumuhunan sa bansa, umabot sa 664,000 ang nawalang trabaho — pinakamalaki mula 1997.

“(S)a aktwal, humina ang paglikha ng mga trabaho sa kabila ng paglaki ng pumapasok na direktang dayuhang pamumuhunan,” anito.

Hindi rin nagdala ng pag-unlad sa lokal na ekonomya ang dayuhang pamumuhunan. Sa aktwal, lumala ang depisit sa kalakalan (ibig sabihin, mas malaki ang import kumpara sa eksport) ng bansa kahit lumalaki ang pumapasok na dayuhang puhunan.

“Pinalalaki ng mga naglalako ng charter change bilang paraan para palakasin ang ekonomya, laluna ang pagmamanupaktura. (D)ati nang malaking bahagi ng inieksport ng bansa ay mula sa pagmamanupaktura,” ayon sa Ibon.

Dominado ng dayuhang kapital ang lokal na pagmamanupaktura dahil sa kalagayang di industriyalisado ang bansa. Paglilinaw pa ng Ibon, hindi gumagamit ng lokal na materyal ang mga dayuhan at ang kanilang nakatuon-sa-import na operasyon ang nagpapalaki sa depisit sa kalakalan ng bansa. Pinakamalaki ang depisit noong 2018 na umabot sa $43.5 bilyon.

“Kalakhan ng mga pagmamanupaktura sa bansa ay hindi Pilipino kundi mga dayuhang kumpanyang may mababang dagdag-halaga (low value-added) na nakikinabang sa mga subsidyo at insentibong piskal na iginagawad ng gubyerno,” anito.

Gayundin ang kalagayan ng sektor ng agrikultura. Sa pagitan ng 2000 at 2017, doble ang pumasok na dayuhang kapital sa sektor mula $3.6 milyon tungong $115.7 milyon. Sa harap nito, tuluy-tuloy na dumausdos ang bahagi ng sektor sa lokal na produksyon. Mula 15.2% noong 2000, nasa 10.7% na lamang ang bahagi nito sa gross domestic production sa 2017.

Lalong hindi iniahon ng dayuhang pamumuhunan sa kahirapan ang mga Pilipino. Milyun-milyon ang nananatiling sadlak sa kahirapan kahit pa bumilis ang pagpasok ng dayuhang kapital sa dekada 2000. Sa nakaraang dalawang dekada, naglaro sa pagitan ng 17.7 milyon at 25.5 milyon ang ibinilang sa mamamayang naghihirap.

“Ang pagbaba ng upisyal na datos sa pagitan ng 2015 at 2018 ay hindi dahil sa direktang dayuhang pamumuhunan kundi dulot ng pinalaking conditional cash transfer (CCT), na ngayon ay binawasan na,” ayon sa institusyon. Mas kilala bilang 4Ps ang CCT. Pinopondohan ito ng dambuhalang mga utang mula sa World Bank.

Sa aktwal, bukas na bukas na sa dayuhang kapital ang Pilipinas mula pa panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. noong dekada 1970. Alinsunod sa inilahad ng Ibon, limang beses na lumaki ang bahagi nito sa gross domestic product mula maagang bahagi ng dekada 1970s (0.5%) tungong 2.6% sa nakaraang limang taon.

Sa kabila nito, nananatiling atrasado, di industriyal at batbat sa krisis ang ekonomya ng bansa.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Lebanon Resumes Registration for Syrian Refugees to Go Home

On Wednesday, according to a report from the National News

Administrasyong Marcos Jr. sa pagtatapos ng 2023 – Pinoy Weekly

Sa katapusan ng taong ito, magiging isang taon na at