Nagprotesta ang estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) noong Oktubre 25 para batikusin ang panggigipit ng administrasyon ng UST sa kasapi ng isang samahang kabataan. Ipinatawag ng administrasyon ang lider ng grupong Anakbayan-UST na si Allen Marc Ballesteros dahil sa paglabag diumano niya sa UST Code of Conduct PPS1027 na nagbabawal sa pagsali sa mga organisasyong “hindi kinikilala” ng pamantasan.
Si Ballesteros, estudyante sa senior high school, ay nakatanggap ng liham mula sa administrasyon ng UST noong Oktubre 24 para diumano pag-usapan at talakayin ang kanyang “paglabag.”
Ayon sa mga nagprotesta, ang aksyong ito ng administrasyon ay walang iba kundi “panunupil, pagpapatahimik at pagtapak sa karapatang mag-organisa at malayang pagpapahayag” laban sa progresibo sa loob ng pamantasan. Giit nila, hindi lamang ito atake kay Ballesteros kundi lantarang paglapastangan sa kalayaang akademiko. Tinatapakan din umano ng mga banta ng “arbitraryong kundisyon” at desisyon ng administrasyon ang karapatan ng mga kabataan.
Hindi ito ang unang pagkakataon ng panunupil ng UST sa karapatan sa pag-oorganisa ng mga estudyante. Maihahalintulad ito sa kaso na kinaharap ng dating lider ng Anakbayan-UST noong 2021 na pinatawan ng hindi makatarungang mga parusa tulad ng pagbabawal na makabalik sa pamantasan at pagtangging bigyan siya ng papeles para makapasok sa kolehiyo.
Ayon sa Anakbayan-National Capital Region, patunay ito na mapanupil ang sistema ng edukasyon. “Ang panunupil na ito sa karapatang pang-akademiko at kalayaan sa pamamahayag at pag-oorganisa ay hindi lang sa UST nagaganap kundi ganun din sa iba pang pamantasan,” anito.
Nanawagan ang grupo sa administrasyon ng UST na ibasura ang kaso laban kay Ballesteros at kilalanin ang karapatan ng mga estudyante sa loob ng kampus.