Ang Bayan » Petisyon para ipatigil ang imbestigasyon, ibinasura ng ICC

April 1, 2023


Ibinasura ng International Criminal Court ang pangatlong hiling ng gubyerno ng Pilipinas na isuspinde ang imbestigasyon sa malawakang pamamaslang sa ilalim ng “gera kontra-droga” ng dating pangulong Rodrigo Duterte. Naghapag ang Pilipinas ng mga apela para ipagpaliban o isuspinde ang imbestigasyon una noong Setyembre 2022 at pangalawa noong Enero. Bago ibasura ang pangatlong apela, tinanggihan din ng korte ang hiling ng Pilipinas na ibalewala ang pagtutol ng mga biktima sa naturang gera sa paulit-ulit na pagpapasuspinde ng gubyerno.

Ayon sa korte, bigo ang Pilipinas na magbigay ng sapat na dahilan para isuspinde ang imbestigasyon. Gayundin, hindi nito nailatag ang mga batayan sa sinasabing “masaklaw at nakapipinsalang mga epekto” ng naturang imbestigayon. Hindi rin nito naipaliwanag ang kunwa’y “kawalan ng hurisdiksyon o legal na batayan” ng ICC para ipatigil ang imbestigasyon.

Matapos ang ilang buwang pabalik-balik na pagsasampa ng mga apela sa tangkang pigilan ang imbestigasyon, kumambyo naman ngayon ang gubyerno ng Pilipinas at nagsabing hindi na ito makikipag-ugnayan sa ICC.

Sa gayon, “all systems go” o tuluy na tuloy na ang imbestigasyon ng korte, ayon sa abugado ng mga biktima na si Atty. Kristi Conti ng National Union of People’s Lawyers (NUPL). Ikinalugod ng mga pamilya ng mga biktima at kanilang mga abugado ang desisyon.

“Ikinagagalak ko na ibinasura ng ICC Appeals Chamber ang hiling ng gubyerno ng Pilipinas na isuspinde ang imbestigasyon..,” pahayag ng Atty. Neri Colmenares, abugado ng mga biktima at presidente ng NUPL. Walang batayan ang sinasabi ng estado na magdudulot ito ng pinsala sa bansa.

Ani Colmenares, lagi namang may opsyon ang gubyernong Marcos na ipagpatuloy ang mga kasong iimbestigahan ng ICC. Ang totoo, malaking pinsala ang idudulot ng hindi pagtutuloy sa imbestigasyon sa mga biktima at saksi na matagal nang naghahangad ng hustisya para sa kanilang mga kaanak na biktima ng huwad na gera kontra-droga.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss