Ang Bayan » PKM-Rizal, nakiramay sa mga namatayan sa lumubog na bangka sa Binangonan

August 4, 2023


Nagpaabot ng pakikiramay ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM)-Rizal sa mga kaanak ng nasawing 27 kataong sakay ng lumubog na pampasaherong bangka sa Laguna de bay sa Barangay Kalinawan, Binangonan, Rizal na patawid tungo sa Barangay Gulod sa Talim Island noong Hulyo 27, 2023.

Dagdag sila sa 21 namatay, walong nawawala dahil sa pagguho ng lupa, at kabuuang 600,000 na indibidwal na apektado ng bagyong Egay base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Hulyo 28. Tinatayang nasa ₱834 milyon ang pinsala sa agrikultura at 1.2 bilyon sa imprastraktura ang idinulot ng bagyo.

Tumama ang trahedya matapos ipahayag ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang State of the Nation Addres (SONA) na ang gubyerno niya ay over-prepared o “sobra pa sa handa” sa pagharap sa mga darating na kalamidad at sakuna.

Ayon sa nakalap na impormasyon sa naging imbestigasyon ng Coast Guard Sub-Station Binangonan, alas-12 ng tanghali nang lumayag ang naturang bangka sakay ang diumano’y lampas-lampas sa kapasidad nito. Bandang ala-1 naman nang magsimulang lumakas ang hanging dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong Egay kaya nagmaniobra ang bangka papuntang pampang ng lugar pero tuluyan na itong tumaob.

Mayroon lamang 42 upuan para sa mga pasahero pero mahigit 70 ang bilang ng pasaherong nasagip. Wala rin silang suot na lifevest nang bumyahe. Ayon pa sa mga nakaligtas ay may sakay ding rolyo ng tela, bisikleta, bigas at iba pang pinamiling gamit ang bangkang sinasakyan nila. Bukod sa pagiging overloaded ay wala ring naitaas na babala sa naturang lugar kahit masama ang panahon kaya nagtuloy pa rin ang paglalayag ng mga pampasaherong bangka.

Nagpahayag ang PKM-Rizal ng mahigpit na pakikiisa sa sigaw para sa hustisya ng mga Rizaleño at mga kaanak nila at sa kahilingang papanagutin ang mga nagpabayang upisyal na dahilan sa nangyaring trahedya. Isinisisi nila sa pagpapabaya ng Philippine Coast Guard ang naganap na naiwasan sana kung ginampanan lamang nito ang trabaho.

“Inamin mismo ng PCG na hindi sila nag-inspeksyon. Malinaw na isang malaking kapabayaan ito at hindi katanggap-tanggap laluna sa panahon ng bagyo o masamang panahon” anang PKM-Rizal. Napag-alaman na “rutina” ang hindi pag-iinspeksyon ng PCG. Bigo rin ito sa pagsagip at mga residente pa ng Barangay Kalinawan ang unang rumesponde sa tumaob na bangka. Hanggang ulat lamang ang PCG na “mabilis” silang rumesponde, ayon sa mga residente.

Pansamantala lamang na tinanggal sa pwesto ang mga nakatalagang personel ng PCG sa naturang lugar. Sa kabilang banda, tinanggalan na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ng lisensya ang kapitan ng bangka. Hindi inaamin ni PCG Commandant Artemio Abu na may pagkukulang ang kanyang mga tauhan dahil wala pa diumanong pormal na imbestigasyon ang insidente.

“Hindi sapat na i-relieve lamang ang dalawang tauhan ng PCG dahil malaking kapabayaan ito laluna nang maisiwalat na “normal routine” na ang ang hindi pag-inspeksyon sa mga bangka. Malinaw ang hindi patas na imbestigasyon at pagdidiin lamang sa ordinaryong mamamayan na naghahanapbuhay samantalang pinagtatakpan ang mas malawak na kapabayaan ng PCG na mas dapat na responsable sa kanilang tungkulin dahil sila ang nagpapatupad ng mga patakaran at protocols para siguraduhin ang kaligtasan ng mga mamamayan,” giit ng PKM-Rizal

Ikinagalit rin ng ilang kaanak ang pahirapang pagkuha ng impormasyon sa mga awtoridad. Anila’y pinagpapasa-pasahan sila.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Palestine Rejects Israel's Plan to Relocate Gaza Population

On Friday, Palestinian President Mahmoud Abbas rejected Israel’s plan of

Sri Lanka Steps up Precautionary Measures to Control Dengue

The President’s Media Division (PMD) reported that on Tuesday, a