Kinundena ng mga abugado sa Mindanao at ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang atas ng direktor ng Surigao del Sur Provincial Police Office noong Marso 29 na i-profile ang isang pampublikong abugado na binansagan nitong “paulit-ulit na nagbibigay ng tulong sa mga hinihinalang kasapi ng rebolusyonaryong kilusan.”
Giit ng NUPL, ang atas ay isang lantarang tangka na pigilan ang mga abugado sa pagbibigay ng sapat at nararapat na serbisyo sa mga nasasakdal. Anang grupo, isa itong “malinaw na paglabag sa karapatan ng mga akusado at ng malayang pagsasagawa sa kanilang propesyon.”
“Naghahatid ito ng nakatatakot na mensahe sa mga abugado…na ang pagtatanggol sa mga suspetsado at akusado ay gagamitin laban sa kanila,” pahayag pa ng NUPL.
Kaugnay nito, naglabas ng nagkakaisang pahayag ang 16 na mga abugado na nakabase sa Mindanao bilang pagkundena. Pumirma sa pahayag ang naging mga lider ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Mindanao, mga dekano ng mga kolehiyo ng abugasya sa Mindanao, at tagapangulo ng Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao.
Ayon sa pahayag, “lubhang pagpapakita (ito) ng ignoransya at lantarang kawalang respeto sa batas. Higit pa, isa itong hindi karapat-dapat na pakikialam at malubhang pag-atake sa pagsasarili at tungkulin ng mga abugado sa sistema ng hustisya sa bansa.”
Hindi rin umano ito ang unang pagkakataong ginawa ang “profiling” sa mga abugado sa bansa. “Ang mga kasapi ng PNP, bilang mga tagapagpatupad ng batas, ay dapat sumunod at inaasahang tumulong sa pagpapatupad ng hustisya, at hindi lapastanganin ang mga batas at balewalain ang mga ito nang walang pakundangan,” giit pa ng mga abugado.
Panawagan ng NUPL, “panahon na para wakasan ang ganitong kalagim-lagim na gawain at iba pang masamang aksyon ng mga ahente ng estado, laluna ang mga pwersang panseguridad.” Liban dito, nanawagan din ang NUPL sa Korte Suprema na protektahan ang mga kasapi ng propesyon at myembro ng hudikatura.