Matapos magsampa ang mga kaanak ng mga aktibista sa Cordillera na sina Dexter Capuyan at Gene Roz Jamil De Jesus ng writ of habeas corpus (o paglilitaw para iharap sa korte) sa Court of Appeals noong Huly 5, inatasan ng korte ang mga kumander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na iharap sa korte ang dalawang aktibista ngayong araw, Hulyo 14.
Ang apela ng mga kaanak ay tahasang nag-utos kina Gen. Andres Centino, hepe ng AFP, Gen. Benjamin Acorda Jr, hepe ng PNP, at Brig. Gen. Romeo Caramat, hepe ng PNP-CIDG. Giit ng pamilya na ilitaw ang dalawa at kagyat silang palayain, lalupa’t walang kasong nakasampa laban sa kanila.
Sa isang resolusyon ng Thirteenth Division ng Court of Appeals na may petsang Hulyo 10, sinabi nitong ang mga petisyong inihain ng mga kaanak ay sapat at may mga batayan para sa gayong kautusan. Ipinagpapaliwanag din ng korte ang militar at pulis sa iligal na detensyon sa dalawa nang higit 70 araw.
Sa nagdaang mga buwan, napag-alaman ng mga grupong naghahanap kina Capuyan at de Jesus na mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nasa likod ng pagdukot sa kanila noong Abril 28 ng gabi sa Golden City, SM Hypermarket sa Taytay, Rizal. Ayon sa mga ulat, ang dalawa ay sapilitang pinasakay ng mga ahente ng estado sa dalawang sasakayan.
Labis ang pag-aalala ng mga kaanak at grupo ng karapatang-tao sa kalagayan at kaligtasan ng dalawa dahil si Capuyan ay inakusahan ng AFP na lider BHB sa rehiyong Ilocos-Cordillera at may patong sa ulo na ₱1,850,000. Idinadawit siya sa mga kaso ng pagpatay, bigong pagpatay at tangkang pagpatay.
Samantala, si de Jesus ay upisyal sa impormasyon ng Philippine Task Force for Indigenous Peoples. Ang dalawa ay parehong alumni o dating estudyante ng University of the Philippines-Baguio.