Ang Bayan » Tatlong sibilyan, minasaker ng 2nd IB sa Masbate

September 2, 2023


Minasaker ng mga pwersa ng 2nd IB ang tatlong sibilyan na kinilalang si Amy Olivar at mag-asawang sina Julie at Jovie Rabadon sa Sityo Milagro, Barangay Guindawhan, Pio V. Corpus, Masbate noong Agosto 30. Ikalawang kaso na ito ng pagmasaker sa Masbate sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr, na parehong nangyari nitong buwan ng Agosto. Kabuuang 21 na ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa prubinsya.

Ang tatlong biktima ay pinalalabas ng 2nd IB na pawang napaslang sa isang armadong engkwentro sa pagitan nito at isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate. Pinasubalian na ng BHB-Masbate ang naturang gawang kwento ng AFP at sinabing mga sibilyan ang pinatay ng militar.

Napatay ang mga biktima sa walang patumanggang pagpapaulan ng bala sa kanilang bahay. Sa ulat mismo ng militar, nagsimula ang sinasabing “engkwentro” bandang alas-5:45 ng umaga. Matapos ang karumal-dumal na krimen, winasak pa ng mga berdugo ang bahay ng mga biktima at ninakaw pa ang bigas ng mga ito.

Matatandaang noong Agosto 19 lamang, sadyang pinatay ng mga sundalo ng 96th IB at mga pulis ng Masbate ang tatlong sibilyang babae sa Barangay Jagnaan sa San Jacinto, isla ng Ticao, Masbate. Pinalalabas din na napatay sila sa isang armadong sagupaan. Ang mga biktima ay sina Jelyn Guis Dejomo, 56 anyos, Sheryl Salazar Dejomo, 29 anyos, at Divina Lubiano Ajitan, 60 anyos.

Ang sadyang pagpatay o pagmasaker sa mga sibilyan ay malalang paglabag sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin ng digma.

Nanawagan ng hustisya ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM)-Masbate para sa mga biktima ng karumal-dumal na mga krimen ng AFP. Giit ng mga magbubukid, dapat “sama-samang kumilos at labanan ang kampanyang teror ng AFP at PNP laban sa masang magsasaka sa Masbate.”

Anang grupo, “malaki ang pananagutan ng rehimeng Marcos Jr sa malawakang pamamaslang sa prubinsya na pangunahing tumatarget sa masang magsasaka. Nasa likod nito ang walang tigil na mga maniobra ng kanyang mga pinapaburang mga kumpanya ng Filminera Resources Corporation, ekoturismong Empark at pagtatayo ng paliparang pang-internasyunal.”

Paliwanag nila, dadambungin ng naturang mga proyekto ang buhay, kabuhayan at lupa ng masang magsasaka. Dagdag pa ng PKM-Masbate, kasabwat ng mga ito ang naghaharing pamilyang pampulitika na Kho.

“Dapat…pagkaisahin ang lakas at isulong ang mga kampanyang pagpapalayas sa mga sundalo at pulis na salot sa buhay at kabuhayan ng masa. Higit kailanman, kailangang patuloy na suportahan ng masang Masbatenyo ang armadong paglaban sa prubinsya,” giit pa ng grupo.

Samantala, nagbabala si Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate, sa sunud-sunod na karahasan ng mga armadong pwersa ng estado. Aniya, layunin ng mga pakanang ito ang lumikha ng senaryo ng kaguluhan sa prubinsya at bigyang rason ang pagdeklarang muli sa Masbate bilang “election hotspot” sa harap ng papalapit na eleksyong pambarangay at sangguniang kabataan.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Global Fact 11: Fact-checking supports free speech, not censorship

SARAJEVO – Fact-checking provides crucial context to public conversations and

VERA FILES FACT CHECK: NO ‘$30 billion’ ADB grant unveiled by Marcos

A YouTube channel is erroneously claiming that President Ferdinand Marcos