Nagtungo sa upisina ng Civil Service Commission (CSC) sa Quezon City noong Abril 12 ang mga empleyado ng Bacolod City Water District (BACIWA) na iligal na sinisante para iprotesta ang mabagal na pag-usad ng kaso ng kanilang reinstatement o pagbabalik sa trabaho.
Tinanggal ang 59 empleyado ng BACIWA noong Disyembre 2020 matapos ang pribatisasyon at pagpirma sa joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Bacolod City Water District at ng Prime Water Incorporated na pag-aari ng pamilyang Villar noong Nobyembre 16, 2020. Inalis sila sa pwesto dahil sila diumano’y redundant o may iba nang gumagawa ng kanilang trabaho sa BACIWA.
Nauna nang naglabas ang CSC Region 6 ng atas na ibalik sa trabaho ang mga tinanggal na manggagawa. Gayunman, hindi pa rin ipinatutupad ng BACIWA ang naturang desisyon. Matapos nito, ang kanilang kaso ay dinala sa pambansang upisina ng CSC. Kasapi ng Bacolod City Water District Employees Union (BEU) ang naturang mga manggagawa.
Nanawagan si Leny Espina, pangulo ng BEU, sa komisyon na bigyang hustisya ang mga manggagawang tinanggal sa pagtataguyod sa naunang desisyon ng CSC Region 6 na ibalik sila.