Ang Bayan » Unyon sa Pasig City, nagprotesta kontra ‘deadlock’ sa CBA

September 24, 2023


Naglunsad ng protesta ang mga manggagawa ng Valle Verde Country Club, Inc. Employees Union (VVCCIEU) sa Pasig City noong Setyembre 18 bilang pagkundena sa kasalukuyang deadlock o hindi pag-usad sa negosasyon para sa Collective Bargaining Agreement (CBA) sa pagitan ng unyon at maneydsment. Anila, bagaman ibinaba na nila ang kanilang mga kahingian sa maneydsment ay nauwi pa rin sa deadlock ang pakikipagtawaran.

Sa mga lumabas na ulat, napabalitang tanging dagdag-sahod, signing bonus at rice subsidy na lamang ang inihain ng unyon sa negosasyon mula sa dating 25 kahingian. Giit nila ang dagdag-sahod na ₱38.50 kada araw sa unang taon ng CBA upang makaalwan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Ayon sa mga empleyado, napapanahon nang ibigay ang kanilang mga kahilingan sa CBA matapos ang tatlong taon sa pandemya na walang dagdag-sahod. Paliwanag ng mga manggagawa, mula 2020 ay nakatanggap lamang ang bawat miyembro ng unyon ng lumpsum na ₱7,000 mula sa kumpanya, kapalit ng kawalan ng dagdag-sahod sa nakaraang CBA.

“Ang sinasabi nga namin, ‘Tao muna bago proyekto,’” ayon kay Antonio Pantaleon, Jr, pangulo ng unyon. Kaugnay ito ng isinasagawang pagpapaayos ng pasilidad at kagamitan sa Country Club. “Patuloy pa rin po sila sa pag-iimprove, ang mga tao ay napapabayaan,” dagdag niya.

Sa nakaraan nilang negosasyon para sa CBA, umabot pa ng isang taon at limang buwan na nakabinbin ang CBA ng unyon bago nagkaroon ng Settlement Agreement noong Pebrero 2022.

Umaabot sa 110 rank-and-file na manggagawa ang miyembro ng Valle Verde Country Club, Inc. Employees Union.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss