Kabi-kabilang protesta ang inilunsad ng mga pambansa-demokratikong organisasyon sa unang mga araw ng ika-38 US-PH Balikatan Exercises para batikusin ang paglapastangan nito sa soberanya ng Pilipinas. Ayon pa sa mga grupo, inuupatan para sa gera ng ehersisyong militar na ito ang karibal na imperyalistang bayan ng US, ang China. Tatagal ang naturang ehersisyong militar mula Abril 11 hanggang Abril 28.
Nagprotesta ang mga grupo sa Camp Aguinaldo, Quezon City sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong Abril 11. Nagsunog ng bandila ng US ang mga lumahok sa protesta bilang pagkundena sa Balikatan 2023.
Ayon sa Bayan, “walang katotohanan sa ipinapahayag na ang mga war games na ito ay para sa kapakinabangan at makatutulong sa mga Pilipino.” Anang grupo, ang mga ehersisyong ito ay may kaugnayan sa “paghahanda ng gera ng US at pagpapakita ng imperyalistang lakas nito sa rehiyon.”
“Tutol kami sa hindi patas na mga kasunduang militar sa US na lumalapastangan sa ating soberanya at nagdudulot ng ibayong paghina ng ating bansa. Nananawagan kami na ibasura ang lahat ng hindi pantay na kasunduang militar sa US,” giit pa ng grupo.
Sa parehong araw, nagprotesta rin ang mga progresibong grupo sa Times Square, New York para kundenahin ang pagpasok ng tropang Amerikano sa Pilipinas at ehersisyong militar nito. Sa pahayag ng Bayan-USA, diniin nitong lalo lamang nahihila patungo sa “proxy war” ang Pilipinas dahil sa pagpasok ng 12,000 tropang Amerikano para sa Balikatan.
Ipinahayag ni Nina Macapinlac ng Bayan-USA sa protesta na “walang duda na tayong mamamayang Pilipino ay gitgitang makibaka para ipagtanggol ang ating soberanya.”
Naglunsad din ng pagkilos ang mga kabataan sa embahada ng US noong umaga ng Abril 11 kung saan dinakip ang dalawang aktibistang kabataan. Nakalaya sila noong Abril 12 matapos maglabas ng desisyon ang prosekyutor na kailangan pa ng karagdagang imbestigasyon sa mga kasong isinampa sa kanila ng mga pulis.
Kumilos din ang iba’t ibang grupong ng kabataan sa harap ng Philippine General Hospital at Far Eastern University bilang suporta sa mga kabatang inaresto at pagkundena sa Balikatan Exercises. Nagkaroon din ng pakilos ang mga kabataan sa University of the Philippines-Visayas.
Sa kaugnay na balita, binatikos ng mga grupo ang katatapos lamang na 2+2 Ministerial Dialouge na ginanap sa Washington noong Abril 11. Sa pulong na ito, itinulak ng US ang pagpapabilis ng pagtatayo ng mapanghamong mga EDCA site sa pamamagitan ng pagtataas sa pondo para rito mula $80 milyon tungong $100 milyon.