Papalapit na ang taunang State of the Nation Address. Sa isang taon, may lagpas na P5 milyon muli na sinahod si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at muli niyang ibabalandra sa taumbayan na umuunlad ang Pilipinas.
Ang sinasahod ni Marcos Jr. sa isang taon ay posible lang matumbasan ng isang minimum wage earner sa Metro Manila kung iipunin niya at hindi gagastusin ang sahod sa loob ng 29 na taon.
Katumbas naman ng buwanang suweldo na minimum wage ng higit 50 obrero ang pinagsamang makukuha sa isang buwan ni Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Kailangang magtiyaga ng mga pamilya sa sahod na wala pang kalahati na kailangan para sa isang marangal na buhay. Samantalang ang dalawang nasa pinakamataas na posisyon, sampu ng pamilya nilang may iba’t ibang posisyon sa gobyerno bilang dinastiyang politikal, palitan pa nang palitan ng bubog sa balita.
Ang mga kongresista mula sa iba’t ibang distrito at probinsiya, pantay naman ang sinasahod na nasa P300,000 kada buwan. Pero tulad ng puna ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, hindi nila makita ang parehong pangangailangan ng mga obrero mula sa iba’t ibang rehiyon.
Ganid kasi at makasarili. Huwag na nating palamutian at idaan sa teknikal ang pagpapalusot ng Malacañang, ng Department of Labor and Employment at ng mga dambuhalang negosyante. Sila at mga negosyanteng tulad ng may-ari ng Kowloon House na tumatalikod sa kasunduan sa mga obrero ang tunay na katakot-takot na sakit ng lipunan at mga kalaban.
Hindi magkalaban ang middle class at ang maralitang lungsod, taliwas sa naglipanang batuhan ng putik online; ang mga pasahero at mga tsuper; ang mga obrero at mga may-ari ng maliliit na negosyo. Tayo ang magkakamukha, hindi magkatunggali.
Harapin ng gobyerno, mata sa mata, ang mga obrerong sala sa init at ulan, mga maninindang nag-uuwi ng barya, mga magsasaka at mangingisdang baon sa utang, mga guro na gumagastos para sa mga estudyante, mga nars, doktor at iba pang propesyonal na napipilitang umalis ng bansa.
Tulad ng mga isinasampang kaso ngayon ng pulisya laban sa lehitimong protesta noong Mayo Uno, ininilihis ng gobyerno ang isyu sa sahod: para umano sa kapakanan ng ekonomiya, sa kapakanan ng micro, small and medium Enterprises, dahil umano sa datos, mga numero na nanliliit kung itatapat sa mukha ng laksa-laksang Pilipinong nagugutom.
Harapin ng gobyerno, mata sa mata, ang mga obrerong sala sa init at ulan, mga maninindang nag-uuwi ng barya, mga magsasaka at mangingisdang baon sa utang, mga guro na gumagastos para sa mga estudyante, mga nars, doktor at iba pang propesyonal na napipilitang umalis ng bansa.
Napakatagal nilang pagdebatehan ang taas-sahod, ang pagtanggal ng VAT, at sa ilang buwan na ginugugol sa paikot-ikot na proseso tuloy naman ang gastusin ng mga Pilipino. Wala sa papeles nila ang pangmatagalang epekto sa kalusugan ng arawang pagtitipid ng mga pamilya. O baka naroon na, tulad ng datos na nasa tatlo kada 10 batang Pilipino ang stunted at kulang sa nutrisyon, pero hindi pasok sa naratibo ng estado.
Ano ba ang taas-sahod na makakaalwan sa lahat, kasama mga negosyante? Halimbawa ba nito ang itinaas ng sahod ni Rodrigo Duterte noong 2019 mula P298,083 kada buwan na naging P399,739? Buwanang taas-sahod na P102,000. O ang confidential and intelligence funds ng opisina ni Marcos Jr. na nasa P4.5 bilyon para sa 2026. Ganito ba ang kailangan ng ekonomiya?
Para sa isang disenteng buhay, kailangan ng pamilyang may limang miyembro ang P1,312 kada araw, ayon sa tala ng National Family Living Wage ng Ibon Foundation. Wala ni isang rehiyon sa bansa ang nakakapagbigay nito kung pagbabatayan ang minimum wage. Dala ng implasyon, bawas pa ang katumbas na purchasing power ng mga tao—mas kakaunti ang kayang mabili gamit ang sahod.
Ibig sabihin, hindi kinikilala ang lakas-paggawa na pundasyon sa bilyones ng mga negosyente na siyang pinagmumulan ng pondo sa halalan ng mga halal na opisyal. Ganid nga at makasarili.
Kaya hindi dapat magulat ang estado sa paulit-ulit na pagbalikwas ng mga unyon, mga tanggol-obrero, kasama ang iba pang mga komunidad at sektor. Galugarin man nila ang kasaysayan ng Pilipinas, hindi sa pabulong na pakiusap naipanalo ang karapatan ng taumbayan na gutom at pagod nang magtiis.
