Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon – Exodo 19:2-6a | Salmo 99 | Roma 5:6-11 | Mateo 9:36–10:8
Halos inaasahan na nating ang pagninilay para sa linggong ito ay iikot sa pagtawag ni Hesus sa kanyang 12 alagad. Puwedeng pagnilayan na sila’y tinawag mula sa iba’t ibang larangan o sektor ng komunidad para sa isang misyong higit pa sa kanilang katayuan o konteksto. Puwede ring tingnan ito bilang pagbibigay ni Hesus ng malinaw na tungkulin: kung ano ang dapat nilang gawin at kung paano nila ito isasabuhay.
Kaya ngayon, minarapat kong pagnilayan natin ang buong Mabuting Balita mula sa isang lenteng hindi pangkaraniwan, ngunit kayang tahiin ang lahat ng mga pagbasa sa linggong ito: ang larawan ng mga tupa, ng pastol at ng saserdote.
Simulan natin sa Unang Pagbasa. Bago naging tagapagpalaya ng Israel, si Moises ay isang pastol. Sa ilang ng Midian niya inalagaan ang mga tupa ng kanyang biyenang si Jetro. Ngunit ang pagiging pastol ay naging paghahanda rin sa mas malawak na tungkulin: ang pag-akay sa isang bayang inalipin tungo sa kalayaan.
Sa Bundok Sinai, ipinaalala ng Diyos sa Israel ang kanyang ginawa para sa kanila. Hindi niya lang sila iniligtas mula sa kapangyarihan ng Paraon. Kinupkop niya sila, iningatan tulad ng agilang nag-aaruga sa kanyang mga inakay at tinawag upang maging kanyang sariling bayan.
Hindi lang ang pagliligtas sa bayang Israel mula sa tanikala ng Egipto ang layunin ng Diyos. Ninais din niyang hubugin ang bayang ito bilang isang bansang banal. Kaya sinabi niya kay Moises, “Kayo’y gagawin kong bayan ng mga saserdote na maglilingkod sa akin, nakatalaga sa akin.”
Mula pa lang sa simula ng kasaysayan ng kaligtasan, malinaw na ang kabanalan ay hindi eksklusibong tungkulin ng iilan. Ang buong sambayanan ay inaanyayahang maging bayang saserdotal—isang bayang namumuhay nang naaayon sa tipan, nagsasabuhay ng katarungan, nagpapakita ng habag at ginagawang handog sa Diyos ang kanilang pang-araw-araw na buhay.
Kaya naririnig natin sa Salmo, “Lahat tayo’y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.” Ang banal na bansang tinatawag ng Diyos ay inilalarawan bilang mga tupang kabilang sa kanyang kawan. Ibig sabihin nito, hindi lang tayo mga indibidwal na hiwa-hiwalay na naghahanap ng sariling kaligtasan: tayo ay isang sambayanan.
Dahil dito, ang paghihirap ng isa ay hindi maaaring maging suliranin lang ng iilan. Ang gutom ng isa ay usapin ng buong komunidad. Ang paglapastangan sa dangal ng isa ay sugat na tumatama sa buong katawan. Bilang kawan ng Diyos, natututo tayong makita ang ating pananagutan sa isa’t isa.
Natututuhan ba nating magmahal tulad ng Pastol na ating sinusundan. Nakakakita ba tayo ng mga taong lito at lupaypay, o mas madali nating husgahan sila? Handa ba tayong ialay ang ating oras, lakas, kakayahan at mga pribilehiyo upang maging daluyan ng buhay para sa iba?
Kaya naman nakapanlulumo ang tagpo sa Ebanghelyo. Nang makita ni Hesus ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Hindi niya sila tiningnan bilang mga taong tamad, walang disiplina o pabigat sa lipunan.
Hindi rin niya sila sinisi sa kanilang kalagayan. Sa halip, hinayaan niyang maantig ang kanyang puso sa kanilang pagdurusa. Ang habag ni Hesus ay hindi simpleng pagkaawa. Ito ay pakikiisa sa kanilang kalagayan at pagkilalang hindi sila dapat iwan sa kanilang pagdurusa. Isa itong pagkilala na may mga taong napapagod dahil matagal nang pasan ang bigat ng buhay, ng pang-aabuso, ng kahirapan at ng kawalan ng direksiyon.
Dito, inilalarawan ni San Mateo si Hesus bilang bagong Moises. Kung si Moises ang naging pastol ng Israel tungo sa tipan, si Hesus naman ang Mabuting Pastol na muling tumitingin sa isang bayang nawawala. Ngunit hindi niya inaako nang mag-isa ang misyong ito. Tinawag niya ang 12 at isinugo sila upang ipagpatuloy ang kanyang gawain: magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng masasamang espiritu, at ipahayag na malapit na ang paghahari ng Diyos.
Ang kanilang awtoridad ay hindi kapangyarihang mangibabaw kundi pananagutang maglingkod. Ang pamumuno sa pananaw ng Ebanghelyo ay hindi paghahari mula sa itaas kundi pagyuko upang buhatin ang mga lupaypay.
Ano naman ang sinasabi sa Ikalawang Pagbasa mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma? Ipinaalala niya na “noong tayo’y mahihina pa, namatay si Kristo para sa mga makasalanan.”
Madalas nating isipin na bago tayo mahalin ng Diyos, kailangan muna nating maging karapat-dapat. Mali. Sapagkat hindi hinintay ng Diyos na maging karapat-dapat tayo bago niya tayo ibigin. Hindi niya tayo tinanggap dahil naging mabuti tayo. Minahal niya tayo habang tayo’y sugatan pa, marupok pa at malayo pa sa kanya. Ang krus ni Kristo ang sukatan ng tunay na pagpapari: isang buhay na iniaalay para sa marami.
Ito ang huwaran kapwa ng ministeryal na pagpapari at ng pagpaparing tinanggap ng lahat ng binyagan. Ang pagpapari ay hindi una sa lahat tungkol sa titulo, kasuotan o posisyon. Ito ay tungkol sa kenosis—sa kusang pagbubuhos ng sarili alang-alang sa iba.
Ang tunay na saserdote ay hindi lang marunong tumayo sa dambana; marunong din siyang bumaba mula rito upang samahan ang mga sugatan ng lipunan. At tayong lahat, bilang kabahagi ng pagpaparing tinanggap natin sa binyag, ay inaanyayahang hindi lang maging mahusay manalangin kundi maging sagot din sa panalangin ng mga taong nangangailangan ng pagkalinga.
Sa isang lipunang maraming nag-aagawan sa kapangyarihan ngunit kakaunti ang handang magsakripisyo, nagpapaalala ang mga pagbasa ngayong linggo na ang pamumuno ay pagpapastol at ang pagpapastol ay pag-aalay ng sarili.
Sa panahon ng mga influencer, eksperto at mga nag-aagawan sa mikropono ng lipunan, kakaunti ang handang tahimik na maglingkod, o hindi rin lahat ay handang magpuyat para sa kapakanan ng iba, makinig sa mga tinig na matagal nang hindi pinakikinggan o isugal ang sariling ginhawa upang maitaguyod ang dangal ng pinakamahihina.
Bilang Simbahan, tinatawag tayong maging bayang saserdotal, kawan ng Diyos at pamayanan ng mga pastol na hinuhubog ayon sa puso ni Kristo. Ang tanong para sa atin ay hindi lang kung kabilang ba tayo sa kawan. Ang tanong ay kung natututuhan ba nating magmahal tulad ng Pastol na ating sinusundan. Nakakakita ba tayo ng mga taong lito at lupaypay, o mas madali nating husgahan sila? Handa ba tayong ialay ang ating oras, lakas, kakayahan at mga pribilehiyo upang maging daluyan ng buhay para sa iba?
Marahil, ito ang pinakapropetikong saksi ng Kristiyano sa isang mundong inuuna ang sarili: ang mamuhay na parang si Kristo—nakakakita bago humusga, nahahabag bago magsalita at handang ibuhos ang sarili upang ang iba ay magkaroon ng buhay.
