May naaalala akong mga litrato ni Mamim. Mga solo portrait niya na mistulang headshots, kaya tuwing nakikita ko ang mga iyon lagi akong napapaisip: Artista ba ang aking ina?
Apat na taong gulang siguro ako noong naisip ko iyon at hindi katakataka para sa’kin na tanggapin ‘yon. Maganda si Mamim at magaling siyang kumanta. Lagi niyang birit sa karaoke ang mga kanta nina Mariah Carey, Jennifer Lopez, at Lani Misalucha. Tawag sa kanya sa bayan namin, Kaná, dahil mestiza siya. Bongga, diba?
Pitong taong gulang ako, nasa Grade 1, nang mabasag itong imahe ng aking ina. Mahirap pagtagpi-tagpiin ang memorya, pero sa maliit na airport ng Catarman, naaalala kong humahagulgol ako—tulo luha at sipon—habang pinapanood kong pumapasok doon si Mamim. Pupunta siya ng Bahrain. Hindi ko alam noon na ibang bansa pala ‘yon, pero alam kong hindi pag-aartista ang gagawin doon ng aking ina.
20 taon nang overseas Filipino worker (OFW) si Mamim sa West Asia (o Middle East). Nasa isipan ko siya habang pinapanood ang palabas ng Dulaang UP na ‘Ang Kaliitan ng Kasaysayan.’
Umaalis, umuuwi, umaalis ulit
Nakapwesto ang dula sa konteksto ng Pilipinas sa lahat ng sigalot, kahirapan, korapsyon, at pati na rin ang mga kilusan laban sa mga ito; na tumatagos sa iba’t ibang administrasyon ng pamahalaan—kontekstong maaaring magpaliwanag kung bakit nangingibang-bansa ang mga Pilipino.
Ito ang bumubungad sa mga manonood, kasabay ang pagpapakilala kay Bulan (na ginampanan ni Sandino Martin), ang bida. Ipinakilala siya ng ensemble, lahat nakaputi, na nagsasaboses ng mga kaisipang tumatakbo sa utak ni Bulan sa pagdating niya sa Pilipinas mula Dubai. 20 taon na siyang OFW sa Kanlurang Asya.
Mahusay ang paggamit ng espasyo ng mga tauhan. Ang ensemble mismo ang may bitbit ng props at inilalapag sa pwesto nang ‘di nakababasag-eksena. Ang entablado ay dikit sa lupa, puti, at nilalapatan ng mga imaheng naka-project. Sa ibaabaw, may dingding na binubuo ng mga hugis parisukat, ang ilang bahagi nito, bumubukas upang maibaba ang mga kagamitang bubuo sa mundo ng dula. Pati pang-amoy ay pinukaw ng palabas sa isang bahagi nito. Kamangha-manghang masilayan ang disenyo at paggamit sa espasyo ng IBG-KAL, na maaaring sabihing kapata-patawad ang ilang mga problemang teknikal na nagpapakunot ng nuo sa simpatya para sa mga nasa likod ng produksyon. Mahirap nga naman ibabad ang sarili sa kwento kung panapanahong nakikitang hinahaplos ng artista ang lapel niya.
Masasabing nakaangkla sa realidad ng mga OFW ang takbo ng dula—umuwi si Bulan na may panghihinayang sa estado ng kanyang Inang Bayan; uuwi siya sa kanilang tahanan at agarang babalitaan ng kanyang mga magulang ng mga problema at pangangailangan pa niyang tugunan; dadalaw sila sa malayong probinsya sa kanayunan, makikisalo sa mga kapamilya, ibibgay ang mga pasalubong, at magbabalik-tanaw sa mga taong lumipas; at muling umalis ng bansa, kahit nais niyang mantili at ipagpatuloy ang malikhaing pagsusulat.
Napapanahon din ang paglunsad ng dulang ito habang may gerang nangyayari sa West Asia. Higit 1 milyong kababayan natin ang naroroon na humaharap sa alanganin sa gitna ng agresyon ng US at Israel sa rehiyon. Makabuluhan ang tiyempo ng pagpapalabas ng ‘Ang Kaliitan ng Kasalukuyan’ dahil kailangang ipaalala na patong-patong ang hirap na dinaranas ng mga OFW, sa personal man o sa pulitikal.
Dama ang puso ng kwento sa intensyon nitong ipakita ang danas ng mga kababayan nating OFW. Mabuting intensyon na mas epektibo sanang naitawid ng mas konkretong pagsusulat at mas solidong mensahe.
Maliit man ay hindi makitid
Panapanahong nakakapatid sa daloy ng istorya ng ‘Ang Kaliitan ng Kasaysayan’ ang naging takbo at mga piniling salita sa mga dayalogo; kasama na rin ang mensaheng nais nitong iparating. Nakakaligaw ang paliko-likong salitan ng linya at palaisipan kung mga salita ba itong sasambitin ng tao sa pakikipag-usap niya sa kanyang kapwa.
Hindi naman masasabing palyado ang panunulat sa kabuuan. Nahahanap ang kalakasan nito sa mga monologong mahusay na itinanghal ni Martin at sa mga kawili-wiling eksena gaya ng pagbisita nina Bulat at kanyang mga magulang sa kanilang mga kapamilya sa Nueva Vizcaya.
May kakapusan din sa pagdidirehe sa mensahe ng dula. Labas sa pighati at pagkaburyong ni Bulan sa sitwasyon niya bilang OFW na nagnanasang lumubong sa kanyang sining; labas sa mga personal at pampamilyang problemang kay pamilyar na sa mga Pilipino; labas sa paglalahad at pagsasalamin—ano ang mayroon?
Sa pagtatangkang isaentablado ang karanasan ng mga OFW, hindi ba’t mahalagang sagupain ang mga usaping istruktural na nagdulot at nagpapatuloy ng pag-eeksport ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo? Ang mga usapin ng rebolusyon, kilusan, pagsisilbi sa Inang Bayan ay sadyang pinahapyawan lamang sa kwento at iniwang nakalambitin sa ere, bilang mga abstraktong ideya—mga bagay na passé, ika nga. Ito, sa kabila ng buhay at aktibong takbo ng kasaysayan upang ipanalo ang kilusang mapagpalaya sa Pilipinas. Hindi naman inaasahang direktang matutugunan ng isang dula ang mga usaping ito. Ngunit, laging mainam na pagnilayan kung saan ilulugar ang sining bilang bahagi ng buo.
Maliliit man ang kasalukuyang isinasabuhay natin, hindi dapat humantong sa makitid na pagtanaw sa sarili, na ihihiwalay na lamang ito sa kalawakan ng kasaysayan at isasara sa mga posibilidad ng bukas.
Pagpapaigting ng pag-asa
Babalik ako sa aking ina, kay Mamim, na nasa bansang naiipit sa gerang-agresyon na inilulunsad ng US at Israel laban sa Iran. Mulat siya sa mga panganib na bitbit nitong mga nangangamkam na imperyalistang mga bansa sa buhay nilang mga OFW doon sa bahaging iyon ng mundo. Ngunit hindi pa rin niya magawang lisanin ang trabaho niya sa ibayo. Dahil ano nga naman daw ang alternatiba, magdusa sa hirap ng trabaho at liit ng sweldo dito sa Pilipinas?
Lugmok ang lagay sa Pilipinas. Mapanganib magtrabaho sa ibang bansa. Ipit na ipit ang karaniwang Pilipino sa dusa at hirap, at sa hangaring alpasan ang mga ito. Dakilang hangarin ang isalamin ito sa pamamagitan ng sining, ngunit nariyan lagi ang hamon upang tumugon sa pangangailangang baguhin itong kay lagim na realidad. Alang-alang sa bayan, sa mga pangarap na dinurog, sa mga inang kinailangang lisanin ang kanilang mga anak.
Isasaentablado ang ‘Ang Kaliitan ng Kasaysayan’ sa IBG-KAL Theater sa UP Diliman hanggang March 29, 2026. Maaaring mahanap ang mga detalye ng dula sa mga opisyal na plataporma ng Dulaang UP.
