Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon – Isaias 55:10-11 | Salmo 64 | Roma 8:18-23| Mateo 13:1-23 [o Mateo 13:1-9]
May mga halamang kahit gaano kaganda ang binhi, hindi pa rin tumutubo kapag matigas ang lupa. Hindi sapat na may magandang binhi; kailangan ding handa ang lupang tatanggap dito. Ganito rin ang gustong ipakita ng mga pagbasa ngayon. Hindi ang binhi ang pangunahing usapin, sapagkat ang Salita ng Diyos ay laging mabuti at makapangyarihan. Maiging tingnan at bigyang pansin kung anong uri ng lupa ang tumatanggap dito, sapagkat ang bunga ng Salita ay nakasalalay sa kalagayan ng pusong pinaghahasikan nito.
Marahil ito rin ang dahilan kung bakit marami ang nagulat nang may ilang kilalang pari at mga madreng nag-alay ng kanilang sarili sa buhay relihiyoso ngunit kalaunan ay nagpasyang lisanin ito. Sa panlabas, tila maayos, mabunga at kapuri-puri ang kanilang paglilingkod.
Ngunit ipinapaalala ng mga pangyayaring ito na hindi nasusukat ang lalim ng puso sa dami ng tagasubaybay, palakpakan o nakikitang tagumpay. Maaaring maging abala ang isang tao sa paggawa ng mabuti, ngunit unti-unti namang tumitigas ang lupang nasa kanyang kalooban.
Sa talinghaga ng manghahasik, pare-pareho ang binhing itinanim. Hindi nagbago ang manghahasik, hindi rin nag-iba ang kalidad ng binhi. Ang nagkaiba ay ang lupang pinagbagsakan nito. May pusong parang daan na madaling maagawan ng Salita. May pusong parang batuhan na mabilis tumanggap ngunit madaling panghinaan ng loob kapag dumating ang pagsubok. May pusong tila dawagan na unti-unting nasasakal ng mga alalahanin at paghahangad sa kayamanan. Mayroon ding pusong matabang lupa, kung saan ang Salita ay nag-uugat, lumalago at namumunga.
Maganda ang larawan ng unang pagbasa mula kay Isaias. Ating maririnig ang larawan ng ulan at niyebe na bumababa mula sa langit at hindi basta bumabalik doon. Dinidilig muna nila ang lupa upang ito’y mamunga, magkaroon ng binhi para sa maghahasik at tinapay para sa kakain.
Ganyan din ang Salita ng Diyos. Hindi ito bumabalik sa kanya nang walang bunga sapagkat lagi itong may ginagawang kabutihan at pagbabago. Ngunit mapapansin nating ang ulan ay hindi namimili ng lupang didiligan. Bumabagsak ito sa lahat. Kaya ito’y nagpapakita ng mga posibilidad: puwedeng ang lupa ay handang sumipsip ng tubig, ngunit pwede ring matigas ito na lupa at umaagos lang ang ulan sa ibabaw.
Mas mahalagang tanungin kung unti-unti ba akong nagiging mas mahabagin, mas mapagpatawad, mas marunong makinig at mas bukas sa Diyos. Iyan ang mga bungang hinahanap ng Panginoon. Hindi man sila agad kapansin-pansin, sila ang palatandaang malalim nang nag-ugat ang kanyang Salita sa ating puso.
Ito rin ay ating maririnig sa salmo, na ang Diyos ay dumadalaw sa lupa, dinidiligan ito at pinasasagana. Lumalambot ang matigas na lupa, sumisibol ang mga tanim at umaapaw ang ani. Hindi larawan ng sapilitang paglago ang ibinibigay ng salmo kundi ng matiyagang pag-aaruga ng Diyos. Siya ang naghahanda sa lupa bago pa man ito mamunga. Siya ang nagbibigay-buhay.
Kung minsan, iniisip nating tayo ang kailangang gumawa ng lahat upang magbago. Ngunit ipinapaalala ng mga pagbasa na ang Diyos ang unang kumikilos. Ang hinihingi lang sa atin ay huwag isara ang ating puso sa ulan ng kanyang biyaya.
Marahil ganito rin ang nangyayari sa ating buhay pananampalataya. Oo, nakikinig nga tayo ng homiliya linggo-linggo. Nagdarasal nga tayo. Nagbabasa nga tayo Salita ng Diyos. Ngunit may mga pagkakataong tila walang nangyayari. Hindi dahil kulang ang biyaya ng Diyos kundi dahil may bahagi ng ating puso na matagal nang hindi nabubungkal. May mga sugat na ayaw nating ipagamot. May mga pagmamataas na ayaw nating bitawan. May mga alalahaning mas malakas ang boses kaysa tinig ng Diyos. Unti-unting tumitigas ang lupa ng ating puso.
Sa ikalawang pagbasa mula sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma, kanyang pinalalawak ang ating pananaw. Hindi lang pala tayo ang naghihintay ng bunga ng gawain ng Diyos. Maging ang buong sangnilikha ay dumaraing habang hinihintay ang ganap na kaluwalhatian ng kanyang mga anak.
Kung ang unang pagbasa ay tungkol sa lupang dinidilig at ang Ebanghelyo ay tungkol sa binhing inihahasik, ang ikalawang pagbasa naman ay tila larawan ng bukiring naghihintay ng panahon ng pag-aani. Ang bunga ay hindi agad nakikita. May panahon ng pagtitiis. May panahon ng paghihintay. Ngunit alam ng magsasaka na ang binhing nakabaon sa lupa ay hindi nasasayang. Tahimik itong lumalago hanggang dumating ang tamang panahon ng pamumunga.
Ganoon din ang paglago ng ating pananampalataya. Hindi ito nasusukat sa dami ng ginagawa o sa bilis ng pagbabago. Mas mahalagang tanungin kung unti-unti ba akong nagiging mas mahabagin, mas mapagpatawad, mas marunong makinig at mas bukas sa Diyos. Iyan ang mga bungang hinahanap ng Panginoon. Hindi man sila agad kapansin-pansin, sila ang palatandaang malalim nang nag-ugat ang kanyang Salita sa ating puso.
May isa pang paalala ang mga pagbasa para sa atin. Napakadaling pagandahin ang panlabas na anyo ng buhay. Kayang pagandahin ang larawan, ayusin ang profile at ipakita ang pinakamagagandang sandali. Ngunit ang lupa ay nasa ilalim at dahil dito hindi ito agad nakikita. Pero doon tumutubo o namamatay ang binhi. Doon rin nahuhubog ang tunay na pagkatao ng isang alagad ni Kristo.
Kaya ngayong linggo, tayo’y inaanyayahan linangin ang ating mga lupa, ang ating mga puso. Nawa’y ating makita ang mga nagpapahirap sa ating mg pusong bumabalakid upang tanggapin ang Salita ng Diyos. Na atin nawa makita ang bahagi ng ating buhay na naging parang daan, na parang naging mabato, naging dawagin. At sa ating paglinang, nawa’y maging handa tayong magpaubaya sa Panginoon upang muli niyang mabungkal ang aking puso.
Hilingin natin sa Panginoon ang pusong handang bungkalin at didiligan ng kanyang biyaya. Sapagkat kapag hinayaan nating lumambot ang lupa ng ating puso at mag-ugat dito ang kanyang Salita, tiyak na mamumunga ito sa takdang panahon.
At ang bungang iyon ay hindi lang para sa ating sarili. Magiging bahagi tayo ng bagong sangnilikhang hinihintay ni San Pablo—isang mundong unti-unting binabago ng mga pusong hinayaang maging mabuting lupa para sa Diyos.
