Itinuturing ko ang sarili kong mahirap dahil sa loob ng mahabang panahon, nabubuhay ako sa suweldong nasa gitna ng mababang middle class at karaniwang manggagawa.
Hindi naman minimum ang sahod pero sapat lang para matustusan ang pangangailangan, pambayad ng mga yutilidad, padala sa pamilya at pamasahe.
Tumaas lang nang bahagya ang sahod ko nang maging guro ko sa isang unibersidad pero kung tutuusin, sapat lang ‘yon para mabuhay nang simple sa siyudad. Kung minsan nga, kimukulang pa.
Sa tantos ng National Economic Development Authority (NEDA), tinatayang P9,581. ang buwanang gastos ng pamilya na may limang miyembro sa pagkain. Dito nagmula ang P64 na batayan kung ikaw ay may pambili o wala ng sapat na pagkain.
Kaya naman nang ianunsiyo ng NEDA na ang gumagastos ng P64 at pababa kada tao ang maituturing na “food poor” aba, siyempre sinubukan natin kung sapat nga ba ang badyet na ito.
Isang Martes, sinubukan kong mabuhay sa halagang P64 na pangkain. Sinimulan ko ang almusal ko ng kape na 3-in-1 na nagkakahalaga ng 7.00 o kalahati ng isang double pack na kape at saka pandesal na P5 (dalawa ang inalmusal ko) may konting margarine. Ayan, P17 na. May pag-asa!
Bandang alas-onse, nagugutom na ako kaya bumili ako ng kanin sa kalapit na karinderya—P12 at saka isang latang sardinas, ‘yong pinakamura, P22.00. Apat lang ang isda sa lata at para makatipid at may panghapunan pa ako, dalawa lang ang kinain ko.
Binawi ko na lang sa sabaw ng sardinas para maging malasa ang kanin. Wala tayong budget para sa softdrinks o juice kaya tiis-tiis na lang sa tubig. Magkano na ang gastos ko? P17 + P34 = P51.00 na! P13.00 na lang ang natitira kong pera.
Bandang alas-kuwatro, gutom na ako. Bumili ako ng biskwit, P8. P5 na lang ang natira kong pera. Paano ako kakain ng hapunan? May ulam pa akong dalawang pirasong sardinas pero wala akong kanin. May P5 nga ako, pero wala naman itong mabili na kahit ano.
Ang pagmamaliit ng NEDA sa usapin ng kagutuman ay pagtatakip sa lumalalang pagkalam ng tiyan ng mamamayan. Wala sa hulog. Kathang-isip. Isang kabulaanan.
Sinubukan kong magtanong sa kapitbahay na karinderya kung puwedeng kalahati lang na kanin ang bilhin sa halagang P5. Nagkunot ng noo si ate, sabi niya, “Dati, bumibili ka ng ulam, ngayon, kanin na nga lang, tinatawaran mo pa?”
Ilang oras pa ay nanghihina na ako. Gutom na naman ako. Gusto ko sanang panindigan kaso itinigil ko na ang kalokohang ito. Ni hindi sapat ang P64 para makabili ng bigas na isasaing!
Hindi naman na ako nagtataka kung maraming Pilipino ang nabubuhay sa ganitong halaga. Mababa ang sahod at mataas ang bilihin at mga serbisyo.
Sa isang pag-aaral nga ng Center for Women’s Resources (CWR), maraming Pilipino ang gumagawa ng iba’t ibang pamamaraan para maghigpit ng sinturon at makakain—nariyan na ang altanghap, pag-i-imagine, kanin-baw, at kung ano-ano pa maitawid lang ang gutom ng pamilya.
Sa ulat naman ng Social Weather Stations (SWS), tumaas ang bilang ng pamilyang nag-ulat ng sila’y nakararanas ng gutom nitong Marso.
Nakakapanlumo at nakakagalit ang patuloy na paglala ng kagutuman sa bansa. Isang kabalintunaan gayong napakayaman ng Pilipinas at napakalawak ng mga lupain at karagatan nito—sapat na sana para mapakain at mabigyan ng tamang nutrisyon ang mamamayan kung hindi lang kontrolado ng iilan ang ating mga yaman at kung hindi lang isinuko ng gobyerno ang ating karagatan sa mga dayuhan tulad ng Tsina.
Ang pagmamaliit ng NEDA sa usapin ng kagutuman ay pagtatakip sa lumalalang pagkalam ng tiyan ng mamamayan. Wala sa hulog. Kathang-isip. Isang kabulaanan.
Kamakailan, ipinagmamalaki ng gobyernong Marcos na umaabot ng 2.5 milyong Pilipino ang nakaahon sa kahirapan. Nakakabilib naman! Pero kung anong klaseng pag-ahon ito, ‘yan ang ‘di natin matukoy.
Baka gumagasta na sila ng P64 kada araw sa pagkain kaya hindi na sila mahirap. Bakit ‘di kaya subukan ng pangulo at ng mga opisyal ng NEDA na mabuhay sa ganitong halaga? Try lang nila.