Uncategorized

Ang mapait na pag-asa at repleksiyon ng taong mula sa laya – Pinoy Weekly

Ang mapait na pag-asa at repleksiyon ng taong mula sa laya – Pinoy Weekly


Sa unang pagpasok ko sa bilangguan, may pamilyar na kaba ang bumungad sa akin. Naroon ang guwardiyang nakatingin sa bawat kibo’t galaw ko, binulatlat ang laman ng bulsa ko at kinapa-kapa ang buong katawan ko para sa mga bagay-bagay na hindi dapat maipasok sa piitan.

Ngunit sa pagbati ng mga bilanggo sa’min, napigil ang mabilis na tibok ng puso ko. Linggo nga pala ngayon at nahuli ang pagdating namin sa misa. Agad-agad kaming inasikaso kahit nasa gitna pa ng homiliya ang pari. Kinuhaan at binigyan ng mauupuan, at tumabi pa para hindi kami masilaw ng araw. Kahit isang “Good morning po!” pa lang ang nasasabi namin, naramdaman ang sigla mula sa mga bilanggo.

Aaminin ko, bago ako pumasok dito sa Correctional Institution for Women (CIW), hinanda ko na ang sarili sa kung anuman ang magiging worst case scenario. Pero naging ignorante ako do’n.

Abot sa tainga ang mga ngiti ng mga bilanggo at masaya nilang sinalubong kaming mga bisita. Nang nakaupo na kami sa isang bilog, nagsibahagi kami ng mga karanasan sa buhay, at naramdaman ko na parang matagal na silang naghihintay ng makakausap mula sa laya.

Ang sabi sa’min, ‘wag itanong ang mga kaso nila. At hindi man nila nabanggit sa’kin ang kanilang eksaktong kasalanan—ayon ang salitang ginamit nila—ilan sa mga krimen na magpapabilanggo sa isang tao sa maximum security prison ang sex trafficking, drug trafficking, kidnapping, murder at rape.

Pero hindi naman ako natakot sa kanila. Sila mismo ang nagbukas ng kanilang puso sa’min at nauna sa pagsabi na, “Alam kong may mga nagawa akong masama sa nakaraan” pero nagbago naman na raw sila sa gabay ng Diyos.

Hindi naman pala kami gano’n kaiba. Ako rin naman, naghahanap ng gabay mula sa Diyos. Sila rin ang nanguna sa pagsabi na mahirap talaga ang buhay sa laya (kapag malaya o nasa labas ng kulungan).

“Dito sa loob ng kulungan, may dorm kami, pagkain, walang babayaran sa kuryente,” anila. Pero sa laya, maingat na pagbibilang ng pera para sa mga bayarin at bakbakan para lang makakuha ng trabaho ang sasalubong sa kanila.

Gayunpaman, may iba’t ibang raket sa loob ng kulungan. May naggagantsilyo, may gumagawa ng mga anik-anik gamit ang beads, may nagbebenta ng mainit na tubig (dahil hindi lahat may kuluan) at may nagbebenta ng toiletries at meryenda (na para bang sari-sari store lang).

Tinanong nila sa’kin kung magkano na ba ang Coke Zero sa laya. Bente? Bente singko? Hindi ko naman talaga tinatandaan ‘yon. Dito sa kanila, trenta’y singko yung Coke Zero. Mas mataas ang presyo kasi high demand daw. Pero napatanong din sila dahil ito rin ang basehan nila kung nagmamahal ba ang presyo ng mga bilihin sa laya, lalo na kung walang dumadalaw sa kanila para magsabi sa kanila.

‘Yong ibang nanay na nakausap ko, dalawang dekadang naghihintay ng bisita. At kahit hindi talaga sila sigurado na may dadalaw pa ba sa kanila, nagagawa pa rin nilang mag-ipon. Hindi bawal maghawak ng pera, pero kakarampot lang din ang sahuran para sa iba’t ibang gawain sa preso. Magwalis ng isang buwan sa labas? Limang piso. Asikasuhin ang simbahan kada may bisita? Sampung piso.

Kaya rin siguro masayang-masaya sila na bumisita kami—namimigay kasi ang Ateneo Student Catholic Action (AtSCA) ng toiletries at meryenda mula sa sariling ambagan ng mga miyembro nito. Masaya sila—hindi dahil gagamitin o kakainin nila ito, kundi dahil iipunin nila para sa mga dumadalaw sa kanila.

Kuwento rin nila sa’kin, nakasanayan nilang basahin ang expiry date na nakalagay sa mga produkto. Para alam nila na kung aabot sa Disyembre, may maibibigay sila sa kanilang mga anak at kapamilya.

Bilang mag-aaral ng sikolohiya, tinuturuan kami na tingnan ang krimen hindi bilang moral na pagkabigo kundi bilang kakulangan ng makaturangang sistema sa kalusugang pisikal at mental, edukasyon at trabaho na bumabagabag sa isang indibidwal.

Kinuwento ng kasama ko sa AtSCA na kumuusap sa ibang grupo ng mga nanay na inamin ng isang bilanggo na naging kasabwat siya sa mga kasong may kinalaman sa droga. Pero kung gayon, hindi ba dapat mas isinusulong natin ang rehabilitasyon para sa kanila? Hindi ba, sa ilalim ng lahat ng kanilang mga kaso, moral na pagkabigo, at kasalanan, ang isang tao? Isang anak, isang ina at isang kapatid?

Oo, hindi tama ang ginawa nila sa nakaraan. Ngunit hindi rin naman makatarungan na halos ilang dekada silang naghihintay na matawag sa korte. Lumipas na ang ilang taon—lumaki na ang kanilang mga anak at tumanda ang kanilang mga magulang—habang sila’y naghihintay na umusad man lang ang kanilang kaso.

No’ng palabas na kami ng kulungan, may isang matandang nagbebenta ng mga gawa niyang anik-anik at bag na nagpasa ng maliit na papel sa’kin—nakasulat ang pangalan at number ng anak niya.

“Sige na, ‘nak, tawagan mo lang anak ko please, pasabi naghihintay si Nanay,” desperado niyang binulong sa akin. Kinuha ko ang papel at nagsabi, “Sige Nay, ako na bahala,” kahit sa isip-isip ko, bawal talaga ‘yon.

Isinoli ko ang kapirasong papel sa guwardiya at lumabas ng kulungang may bitbit na mapait na pag-asa.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning