Ang mundo ay isang malaking Quiapo sa “FPJ’s Batang Quiapo”

March 22, 2023

Kung may isang espasyo man sa Maynila na nagsisilbing sentro sa pagtatagpo ng napakaraming karanasan at pangyayari, madaling sabihing ito ay Quiapo.

Pamilyar ang distrito ng Quiapo sa marami. Kung maalam ka sa Maynila, tagalungsod man o hindi, tiyak na may alaala ka kung ano ang Quiapo.

Kaiba sa paghahalaw ng ABS-CBN sa orihinal na kuwento ng pelikulang “Batang Quiapo” na pinagbibidahan ni Fernando Poe Jr.

Sa pelikula, isang ex-convict at isang mandurukot na nagkampihan para pabagsakin ang isang sindikato at dahil nakatungtong pa rin ito sa mga popular na tropo ng mga kuwentong Pilipino, nauwi ito sa pag-iibigan ng dalawang bida.

At dahil nasa prime time ang teleseryeng “Batang Quiapo,” dala-dala pa rin nito ang mga nakasanayang kuwento—mga kuwentong hindi na bago ngunit kaabang-abang pa rin.

Sa unang episode ng seryeng ito, ipinakikilala sa manunuod ang marahas na lungsod, ang magagaspang at madudungis na mga kanto nito ngunit tila nakamamangha pa ring tunghayan.

Kuhang-kuha ng serye ang tingkad at ingay ng Quiapo na siyang lalong napalilitaw dahil sa mga karakter ng serye na may kani-kaniyang pagkakakilanlan na makikita sa tindig at bihis pa lamang.

Dahil ang episode na ito ang nagpapakilala sa buong serye, nakahulma ito sa alam na alam na nating hubog ng mga Pinoy action movie.

Nagsimula ang serye sa nakaraan: sa isang pagnanakaw sa bangko na pinangungunahan ni Ramon (Coco Martin) at Olga (Ryza Cenon) na siyang sanhi ng komosyon sa Quiapo. Sa gitna nito ay ang mga tindero’t tinderang sina Noy (Karl Medina), Tindeng (Princess Lara Quigaman) at Marites (Miles Ocampo).

Ang pagtatagpo nina Ramon at Marites ang siyang maghahatid kay Tanggol sa mundong ito—bunga ng panggagahasa ni Ramon kay Marites sa kagustuhang magpatuloy ang kanyang lahi. 

Tulad ng mga nakasanayan ng pangyayari, hindi madaling nagwagi ang pulisya sa pagpigil sa kina Ramon na siyang nagdala sa mga manonood na kumapit nang mahigpit at makaramdam ng kaba’t galak sa bawat eksena hanggang matapos ito. Kinakailangan munang maghintay ng manonood hanggang kinabukasan upang malaman ang mga sunod na mga mangyayari.

Sa mga kaganapang ito ipinakikilala ng serye ang bida ng kuwento. Hindi na nakagugulat na si Tanggol (Coco Martin), ang bayani ng “FPJ’s Batang Quiapo,” ay ipinanganak sa gitna ng Quiapo. Akma rin ang totoong pangalan ni Tanggol na Jesus Nazareno, dahil kung ang Itim na Nazareno ang sentro ng Quiapo, si Tanggol ang nagsisilbing sentro sa kuwentong ito.

Sa kanyang paglaki, lantad kay Tanggol ang pangangailangang mabuhay sa gitna ng isang mapagsamantalang lungsod at ito ang nagdulot sa kanyang maging isang tagapagtanggol kahit pa sa mga paraang hindi katanggap-tanggap sa lipunan.

Mahaba pa ang gagaygayin ng mga manonood upang higit na makilala ang mga tauhan ng serye at mas malalim na maintindihan ang pag-iral ng Quiapo. Sa gitna ng lahat ng ito ay si Tanggol, hinubog ng mabangis na lungsod at naging saksi sa dami ng karanasan ng mga taong lumalagi sa Quiapo, pangmatagalan o panandalian man.

Sa pagbagtas ni Tanggol sa kanyang buhay, kasama ang manonood sa pagtunghay sa kung paano umiral ang mundo—ang mundo na isang malaking Quiapo.

Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Ang Bayan Ngayon » Lider-manggagawa, ikatlong kandidato pagkasenador ng koalisyong Makabayan

Ang artikulong ito ay may salin sa English Inianunsyo noong

Ang Bayan Ngayon » 35 berdugong pulis ng India, napaslang sa pag-atake ng PLGA

Hindi bababa sa 35 elemento ng Central Armed Police Force