Ang nagpapatikom sa ingay ng Tondo – Pinoy Weekly

July 26, 2024


Napakatahimik ng komunidad ngayon. Hindi madalas iyan sa aming lugar dahil kada minuto, nangunguna ang tahol ng aso, bolang tumatalbog, makina ng mga sasakyan at ingay ng mga kapitbahay. Ngunit nakapagtataka ang katahimikan, bihira lang ang may kayang ipatikom ang mamamayan. Sigurado ako, may nagpaputok na naman.

Nakakatakot at delikado. Ito ang mga salitang aking madalas na marinig pagkatapos kong sabihin na residente ako ng Tondo. May mga iilan pang salita na hindi magandang marinig ng ating mga tainga. Ang reputasyon ng Tondo, nananatiling nakapababa sa mata ng mga ibang kababayan.

Wala akong sama ng loob sa aking kinalakihan. Oo, maingay, magulo at mapanganib ang Tondo, tama nga naman. Ngunit marami rin ang mga may mga mabubuting puso sa amin.

Nakikita ko ang mga taong bumabati nang nakangiti habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin sa araw-araw at mga palakaibigang mga mamamayan na handa akong tulungan kapag ako’y may problemang personal na pinagdaraanan.

Subalit natatabunan ang mga kabaitan ng napakaitim na anino ng tuloy-tuloy na krimen sa lugar.

Putok ng rumaragasang bala—ang tunog na naghahari sa mga iba pang uri ng kaingayan sa Tondo, Maynila. Sa aking karanasan, pangalawang pagkakataon na ang pangyayari na ito sa amin sa Balut. Sobrang nakakatakot.

Hindi ko maiwasan na kabahan kapag may ganitong uri ng pangyayari. Napakalapit sa amin ng pangyayari, apat na kalye lang ang pagitan ng aking katawan at ng baril. Sa susunod, baka sa tapat na ng bahay namin mangyari ang ganito. Nakakapangilabot.

Bago ako naging edukado, naitatanong ko sa aking sarili kung ano ang mga posibleng dahilan para gumawa ng kasamaan ang isang indibidwal. Hindi naman sila gagawa ng krimen kung wala namang dahilan, naisip ko lang.

Nang malaman ko na ang kahirapan ng buhay ang isa sa mga sagot sa tanong na ito, naintindihan ko nang bahagya. Maraming dukha ang napipilitan gumawa ng masama para mabuhay ng isa pang araw, pero sa paraan ng pagkuha ng buhay ng isang tao, lagpas na sa linya iyan.

Bilang residente ng isang delikadong komunidad, natitiis ko pa ang posibilidad na mahablutan, mabudol at masuntok. Pero kung ako’y matutukan ng kutsilyo’t baril, hindi na puwede iyan, hindi ba pwedeng maging payapa lang tayong lahat?

Masaya’t matiwasay na pamayanan na hindi kailangan ilagay ang bag sa harapan habang nagko-commute, ‘yong masayang ingay, hindi yung nakakarinding ingay na naririnig kada segundong nabubuhay ako sa paligid na ito.  

Napakaliit ng tiyansa na matupad ang aking hiling, alam ko iyon. Natatakot ako kung maaabutan ko pa kaya ang matiwasay na Tondo o isa rin ako sa mga susunod na tatalikod sa lugar na ito balang araw na tuluyang sumuko.  

Mahirap palitan ng pagkakakilanlan ang Tondo sa isang iglap. Parang ang hirap gawin, sa totoo lang. Nakakatakot pa rin kahit maliwanag ang paligid.

May plano pa kaya ang gobyerno? Mababago pa kaya ang reputasyon ng Tondo balang araw? May kakayahan ba akong tumulong sa proseso? 

Mga katanungang naipon ko simula nung ako’y namulat, ngunit walang takdang kasagutan na maaari kong makuha at ng mamamayan. Dahil sa mata ng nakararami, hanggang dito na lang ang Tondo, hindi na maaaring maayos.

Sa kasalukuyan, patuloy na nakakapagpatahimik sa ingay ng Tondo ang nakabibinging putok ng isang bala at wala tayong magagawa.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss