Ang radikal na pag-ibig at pakikibaka ni Kal – Pinoy Weekly

April 30, 2024


Sa isang classroom sa University of the Philippines (UP), taong 2014, naglunsad ng isang film screening ang League of Filipino Students-UP Diliman (LFS-UPD). Hinanda namin ang venue, projector at sound system, may inimbitahan pang speaker mula sa isang cultural organization para ipaliwanag ang mensahe ng pelikulang may pamagat na “Minsa’y Isang Gamu-Gamo” sa direksiyon ni Lupita A. Concio.

Pinili ng liga ang pelikulang ito dahil tungkol ito sa base militar ng United States (US) at ang panganib na dulot nito sa mga mamamayang Pilipino. Sa isip namin, napapanahong balikan ang mensahe ng pelikulang iyon dahil ilang buwan lang din ang lumipas nang pirmahan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng US at ng Pilipinas na nagbibigay daan sa higit pang panghihimasok ng mga sundalong Amerikano sa bansa. Lima lang kaming dumalo at lahat ay miyembro ng LFS. Ngunit sa kabila nito’y itinuloy pa rin namin ang film screening.

Isa ito sa mga ‘di ko makakalimutang alaala bilang miyembro ng LFS-UPD, noong panahon na si Kal Peralta ang chairperson nito. Naisip ko noon kung dapat pa bang ituloy ang event kung wala namang ibang estudyanteng dumalo. Pero ang sabi ni Kal, kailangan pa rin ituloy ang napagplanuhan at may aral pa rin namang makukuha kung itutuloy namin ang programa.

Nag-enjoy pa rin naman kami manood, lalo na si Kal bilang isa siyang film major. Sinasalamin nito ang tingin kong puno’t dulo ng mga natutunan ko bilang miyembro ng liga—ang kapasyahan na gampanan ang mga tungkulin anuman ang balakid, ang kahandaan na matuto mula sa mga karanasan, mabuti man ito o hindi, at ang laging pagbibigay-halaga sa mga makabuluhang tagumpay gaano man ito kaliit.

League of Filipino Students-UP Diliman Alumni

Naging bahagi na si Kal ng mga matagumpay na strike tutol sa budget cuts sa UP noong 2010 at 2011. Ngunit sa kabila ng mga malalakihang pagkilos na ito’y nagkaroon pa rin ng paghina ang ilang mga aktibistang organisasyon sa UP sa mga sumunod na mga taon.

Kaya sa harap ng tumitinding krisis sa edukasyon bunga ng mga neoliberal na patakaran at ang pagsidhi ng imperyalistang pagsasamantala sa bansa, naging tampok ang pangangailangan na muling buhayin at palakasin ang LFS sa UP Diliman bilang nangungunang anti-imperyalistang organisasyon ng mga kabataan sa pamantasan.

Taong 2014 nang tanganan ni Kal, kasama ang ilang nalalabing miyembro at kaunting bagong kasapi ng liga, ang mabigat na tungkulin ng muling pagbubuo ng isang pambansa demokratikong pangmasang organisasyon.

Mula sa iilan, ang tinagurian noon bilang “League of Five Students” sa pamumuno ni Kal, ay sinikap namin gampanan ang lahat ng mga tungkulin ng isang kabataang aktibista. Naging malaki ang papel ng liga sa pagpapalakas ng kampanyang masa sa loob at labas ng pamantasan, tulad ng pagtutol sa kumersyalisasyon sa edukasyon at pagpapanagot kay Noynoy Aquino bilang tuta ng imperyalistang US. 

Kahit pa man iilan lang kaming aktibong miyembro, tiniyak pa rin namin na kami’y nakakapag room-to-room sa lahat ng kayang maabot na kolehiyo at bumubuo ng sistematikong educational program para sa mga estudyanteng sinusubukan naming organisahin.

Kung sa umpisa ng taon ay nilalangaw ang aming mga event, dumating din ang panahon na sunod-sunod kaming nakakapaglunsad ng mga forum at iba pang aktibidad na marami na rin ang dumadalo. Hanggang sa pagdating ng araw ng mga pagkilos, masaya naming nakikita ang mga estudyanteng inoorganisa nami’y sumasama na sa mga protesta at mga walkout.

Nang matapos ang termino ni Kal bilang chairperson, tinasa namin ang naging karanasan namin at tiningnan kung ano ang inabot sa isang taon. Sa pangkalahatan, kinilala namin na susi sa paglakas ng organisasyon ay ang mahigpit na pagtangan sa kampanyang masa, kung paano ito nagbibigay direksyon sa mga gawain, at ang kasabay na sustinido at malawakang programa ng pag-aaral sa masang estudyante sa layuning maorganisa at mapakilos sila.

League of Filipino Students-UP Diliman Alumni

Bagama’t kita namin ang naging pag-unlad ng liga sa gawaing kampanya at pag-aaral, may kaunting pagkadismaya pa rin dahil relatibong kaunti ang naging bilang ng mga bagong kasapi. Gayunpaman, naging positibo pa rin ang pagtingin dito ni Kal dahil batid niya na marami kaming natutunan sa kung paano pinapagana ang organisasyon at higit sa lahat ay masaya rin siya sa kalidad ng mga bagong miyembro na agad nang nagpakita ng kanilang husay at sikhay sa pagkilos.

Mula dito’y naitaguyod ang magiging pundasyon ng isang malakas at malawak na liga, hanggang sa pagdating ng panahon na aabot ito nang may higit na isang daang miyembro at dalawang local college chapters pagkalipas ng ilan pang taon.

Hindi maitatanggi na may pagka-competitive si Kal kaya’t lagi niyang pinagmamalaki ang liga. Sasabihin niya lagi ang mga salitang “LFS the best” kahit sa harap ng iba pang mass organizations at sasabayan namin siya sa pabirong pag-chant ng “Lumakalas, Lumalawak, Lumalaban! LFS!”

Sa kabila nito, dama ni Kal sa puso niya ang bigat at kahalagahan ng aktibismo. Para kay Kal, ang aktibismo ay ‘di simpleng pag-unawa sa teorya, pagdalo sa mga protesta o pagpapalawak ng organisasyon. Ang aktibismo, higit sa lahat, ay ang pagsulong ng interes ng masa.

Batid lagi kung gaano kalapit sa damdamin ni Kal ang kahalagahan ng mga kampanyang isinusulong namin sa tuwing nagsasalita siya sa mga pagkilos na laging puno ng poot, nanginginig ang boses at minsa’y maluluha sa halong galit at pagdadalamhati.

Kahit sa mga pagpupulong, hindi niya nakakalimutang ipaalala sa amin, nang puno ng emosyon, na ang mga tinatalakay namin ay reyalidad ng buhay ng masa, at ang nararanasan nilang pagsasamantala’y nangangailangan nang higit pa naming pagpupursigi sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mas marami pang mga kabataan at estudyante.

Sa anumang gawain na tatanganan ni Kal, lagi niya itong gagampanan nang may tapang at nang may malalim na pagmamahal sa masang api. Ito ang ang lagi niyang motibasyon sa kung bakit siya nagpapakahusay bilang aktibista. Ito rin mismo ang dahilan kung bakit hindi nasapatan si Kal sa aktibismo.

Napagtanto niya na may hangganan lang ang kilusang kabataan at estudyante. Nakita niya na kung walang sariling hukbo ang mamamayan na kayang tapatan ang panunupil ng estado laban sa kilusang masa, ay hindi natin makakamit ang ganap na pagbabagong panlipunan.

League of Filipino Students-UP Diliman Alumni

Kaya’t hindi na nakakagulat nang magpasya si Kal na tumungo sa kanayunan dahil doon niya nakita kung paano siya buong pusong makapaglilingkod sa mamamayan sa pamamagitan ng pagsulong ng armadong rebolusyon.

Umabot si Kal sa mas mataas na antas at mas radikal na porma ng pagmamahal sa bayan pagkat pinili niyang ialay ang sarili niyang kinabukasan, kaligtasan, at ang kanyang buong pagkatao para umambag sa tunay na paglaya.

Pinilit ng estado na pagtakpan ang katotohanan sa kung paano pinaslang si Kal, kung paano siya dinakip bago patayin at kung paano binusabos nang husto ang kanyang mga labi. Pilit nilang ipinamumukha na ang buhay ni Kal ay nasayang para sa isang adhikaing walang patutunguhan.

Pero malinaw sa mga nakasalamuha ni Kal, sa masang kanyang pinaglingkuran, at sa marami pang mamamayan na patuloy na naghahangad ng magandang kinabukasan na ang sakripisyo ni Kal ay inspirasyon. Ang buhay at kamatayan ni Kal ay kuwento ng ’di masusukat na pag-ibig para sa bayan.

Sa ganitong aspeto ko rin maihahalintulad si Kal sa isang gamu-gamo. Tinalikuran niya ang liwanag ng pagkakaroon ng isang komportable at maginhawang buhay para sa kanyang sarili. Bagkus ay pinili niyang magbigay ng tunay na liwanag para sa mas malawak na masang Pilipino at nagpasya siyang yakapin ang apoy ng digma—anuman ang maging panganib na dala nito sa kanyang sarili.

Ginawa niya ito kahit alam niyang marahas ang kalaban. Ginawa niya ito nang may labis na tapang at pag-ibig. Si Kal ay kabilang sa mas marami pang mga gamu-gamong magiting na nilabanan ang lawin, nangahas na nakibaka at nangahas na kamtin ang ganap na tagumpay.

*Pasintabi kay Lupita A. Concio



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Workers fight for living wage and against state exaction

‘We are workers! We are not slaves!’ This was the

Africa Moves Away From France | News

The Russian newspaper Izvestia published a report in which it