Ano’ng epekto ng PUVMP sa masang Pinoy? – Pinoy Weekly

April 25, 2024


Sa patuloy na pagtulak ng gobyerno sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), hindi lang mga drayber at opereytor ang apektado. Damay pati ang masang Pilipino na matagal nang nakatali ang buhay at hanapbuhay sa mga tradisyonal na jeepney.

Bagaman pinaabot hanggang Abril 30 ang konsolidasyon ng prangkisa, hindi pa rin tanaw ang magandang bukas para sa mga tsuper, komyuter, manininda at manggagawa na nakaasa dito hanggang hindi tuluyang naibabasura ang huwad na modernisasyon. 

Ayon sa Pagkakaisa ng Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), nasa 28.5 milyong komyuter ang apektado kapag tuluyang na-phaseout ang tradisyonal na jeepney.

Mga estudyante at manggagawa ang karaniwang suki ng mga jeepney na naghahatid sa kanila sa paaralan at trabaho. Saksi ang mga naturang pampasaherong sasakyan at drayber nito sa istorya ng kasipagan ng bawat komyuter sa pang-araw-araw na biyahe ng buhay.

“Bihira ang mini bus na may rutang Quiapo. Tsaka mas mahal [ang mini bus] kumpara sa P25 lang na binabayad ko [sa tradisyonal na jeepney],” ani Stephanie, 21, estudyante ng Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology. 

Ayon pa sa kanya, sakto lamang ang baon nyang P200 sa araw-araw at inilalaan niya ang P100 para sa pamasahe.

Dagdag ni Stephanie, nangangamba siyang hindi sasapat ang baon kung magmamahal ang pamasahe. Bumibiyahe siya mula Taguig patungong Maynila at kinakailangan niyang sumakay ng dalawang jeepney na may rutang Bagumbayan-Pasig at Pasig-Quiapo para makarating sa kanilang paaralan sa Sampaloc, Maynila.

Michelle Mabingnay/Pinoy Weekly

Pero giit ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz III na imposible ang sinasabing inaasahang pagtaas ng pamasahe ng isang commuter group at nagbigay ng katiyakan na hindi mangyayari ang ganitong labis na pamasahe.

Ipinunto rin niya na para maging kapani-paniwala ang inaasahang pagtaas ng pamasahe, kailangan munang magsagawa ng pag-aaral at suriin ang iba’t ibang salik nito.

“Noon pa man ay binabalanse na ng LTFRB ang pangangailangan ng mga tsuper at komyuter kapag tumataas ang presyo ng petrolyo. Kaya naman ho, walang lohika ang sinasabi nilang P50 na pamasahe sa loob ng limang taon. Statistically impossible ho talaga iyon,” dagdag pa ni Guadiz.

Para naman kay Dave, estudyante ng Polytechnic University of the Philippines, mula pagkabata hanggang sa pagtungtong ng kolehiyo, ang tradisyonal na jeepney ang pangunahin niyang sinasakyan dahil sa  abot-kayang uri ng transportasyon sa bansa.

“Kung tatanggalin pa sa araw-araw na kita [ang pamasahe] sa aming pamilya, malaking kabawasan ito. ‘Yung pambayad sa bahay, bayarin sa tubig at kuryente, pagbibigay ng baon sa aming mga anak. ’Yung mga pamasahe mismo na kailangang bunuin sa pamamalengke, sa pagpunta sa kung saan-saang ahensya ng gobyerno at para na rin sa mga transaksyong ginagawa natin sa araw-araw,” ani Mimi Doringo ng Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI).

Sa isang panayam ng TeleRadyo Serbisyo, sinabi ni Commuters of the Philippines chairperson Julius Dalay na hindi malabong aabot sa P50 ang pamasahe sa mini bus na “aray” para sa mga komyuter dahil hindi na nalalayo ang magiging pasahe nito sa bus o tren, at ang posibilidad din na lumipat ng trabaho ang mga empleyado kung tataas ang pamasahe sa hinaharap. 

Dagdag ni Doringo, hindi lang bulsa ang maaapektuhan kung hindi “usapin rin ng kalusugan ng mamamayang Pilipino” dahil sa pahirap na paglipat-lipat ng transportasyon ng mga komyuter lalo sa mga matatanda, buntis at may kapansanan

Sang-ayon dito ang senior citizen na si Helena Tayson, para sa kanya hindi angkop ang pagsakay sa mini bus sa tulad niyang may edad na at mahiluhin sa biyahe. Dahil sa siksikan, wala ng pumapasok na hangin at karamihan pa sa mga ito’y sira ang air con.

“Ang Philippine government ay anti-poor, ‘yong pagtaas ng [pamasahe] malaking burden ‘yan sa ating mga commuter,” dagdag ni Nanay Helena.

Karaniwang kaagapay ng mga drayber sa kalsada ang mga manininda ng bimpo, basahan at tubig na pamatid-uhaw sa gitna ng trapiko. Isa si Daryll Divilia, 36, na nagtitinda ng bimpo sa mga nangangamba sa patuloy na pagtulak ng gobyerno sa PUVMP.

“Sa pagkasa niyang programang iyan, maaapektuhan kami kasi sa pagtitinda namin ay nagta-travel kami. Pumupunta kami ng ibang lugar para makapagbenta. [Kasi] kapag ‘yong mga mini bus mas mataas na [rin] ‘yong singil,” aniya. 

Dagdag pa niya na mas maganda kung ang mga jeepney na ipapalit ay gawa mismo ng mga Pilipino at hindi inaangkat mula sa ibang bansa.

Stella Mae Marcos/Pinoy Weekly

Kung nasaan ang jeepney, nandoon din ang barker para magtawag ng pasahero araw-araw. Hindi hadlang ang init makapagtawag lang pasahero at maisigaw  ang ruta ng mga  jeepney. Subalit sa nalalapit na deadline ng pag-phaseout sa mga tradisyonal na jeepney, ang nagbabadyang pagkawal ng kanilang boses.

Isa si Arnel Fulo, barker ng jeep na nangangamba kung may plano ba ang LTFRB para sa katulad niyang barker.

“‘Yon ay hindi naman alam kung ano ang [plano] nila e. Basta kami, ‘yong hanapbuhay namin, ‘yong pagtatawag lang,” aniya.

Inaalala niya rin ang kinabukasan ng lahat ng barker sa bansa kapag tuluyan ng napalitan ng modernong jeepney ang mga tradisyonal na jeepney. Dahil sa modernong jeepney, hindi na kinakailangan ang barker dahil mayroon itong sariling konduktor na siyang nagtatawag ng mga pasahero.

Hiling ni Fulol na huwag sanang ma-phaseout ang mga jeepney dahil dito nila kinukuha ang pang araw-araw na gastusin at ito na lang ang alam nilang hanap buhay.

Ganito rin ang hiling ng mga pintor na gumagawa ng karatula para sa mga jeep. Ang kanilang makukulay na karatula ay  nagsisilbing gabay ng mga pasahero upang makapunta sa kanilang destinasyon. Sa nakaambang pagkawala ng tradisyonal na jeepney, kabilang ang mga gumagawa ng karatula sa mawawalan ng kabuhayan.

“Malaki talaga ang epekto [ng PUVMP] dahil biro mo sa jeep, sabihin na natin ilang libong jeep dito. Kasi paisa-isang signboard lang bilhin nila, malaking mawawala dahil halos lahat [jeep] mga luma,” Ayon kay Mang Loloy, gumagawa ng karatula sa Fairview.

Isang malaking kabawasan sa kanilang kita ang PUVMP. Sa ilalim ng programa, LED na ang gagamitin at tuluyan ng mapapalitan ang mga likhang kamay na karatula.

“Ito ang hindi maintindihan ng ating pamahalaan na inihahapag naming bilang maralitang komyuter. Marami sa mga kapwa maralita ay magiging dagdag sa datos na mga wala ng kakayahan para sa maayos na kabuhayan,” sabi ni Doringo.

Isang malaking kabawasan sa ating kultura ang tuluyang pagpapatupad ng PUVMP. Hindi lamang ang mga drayber at opereytor ang maaapektuhan nito, kundi pati na rin ang iba pang manggagawang impormal. Higit sa lahat, ang lubos na maaapektuhan nito ang mga pasaherong itinuturing bahagi ng araw-araw na buhay ang pagsakay sa jeepney dahil mas abot kaya at para sa lahat.

“Huwag nating hayaan na ngayon pa lang ay magwagi ang gobyerno sa pagpapaalis ng kabuhayan o pagtanggal sa mga jeepney [drayber at opereytor] dahil tayong mga commuters, mga maralitang commuters ang pinaka maapektuhan ng lahat ng ito,” panawagan ni Doringo. /May ulat mula kina Justine Jannah Taguibao, Hannah Kristine Juan at Kristen Nicole Ranario



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Ang Bayan Ngayon » Ilampung libong mangingisda, pinagbawalang maglayag dahil sa Balikatan

Ilampung libong mangingisda ang pinagbawalang maglayag at pinagkaitan ng kabuhayan

VERA FILES FACT CHECK: K to 12 is NOT abolished, 10th graders still need to complete SHS

Viral status updates circulated by several Facebook (FB) pages and