Ayon sa mga guro ng kasaysayan – Pinoy Weekly

October 3, 2023


Mga guro na sumama sa pagkilos sa pag-alala sa ika-51 taon ng deklarasyon ng Martial Law sa Maynila. Larawan ni Michelle Mabingnay.

Habang nagtitiyaga pa rin sa hiraman ng libro ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, abala naman ang gobyerno na baguhin ang mga libro ng kasaysayan.

Ganito inilarawan ni Noli Manalaysay, guro sa mahigit dalawang dekada, ang nakikita niyang sitwasyon ng pampublikong edukasyon mula sa kinabibilangan niyang paaralan, ang Tinajeros Elementary School sa Malabon City.

“Totoong umiral ang Diktadurang Marcos,” tugon ni Manalaysay sa rekomendasyon ng Bureau of Curriculum Development (BCD) ng Department of Education (DepEd) na palitan ang nakalagay sa curriculum outline ng Araling Panlipunan sa Grade 6. Mula “Diktadurang Marcos,” gagawin itong “Diktadura.”

Nasa tatlong kapat ng itinagal ni Manalaysay bilang guro ang binuno niya sa pagtuturo ng Araling Panlipunan sa iba’t ibang baitang. Aniya, hindi siya sang-ayon sa rekomendasyon ng BCD dahil “mahirap magkaroon ng isang [diktadura] kung aalisin si Marcos bilang diktador.”

Sa isang media conference, sinabi naman ni BCD Director Jocelyn Andaya na totoo man ang nakasaad sa rekomendasyon ng BCD, hindi naman ibig sabihin nito na bawal na sabihin ang “Diktadurang Marcos” sa klase. 

Ayon pa sa kanya, mapag-uusapan pa rin ang deklarasyon ng batas militar, “paghina ng ekonomiya, paglabag sa karapatang pantao, ill-gotten wealth, paglaban sa diktadura,” bukod pa sa ibang mahalagang talakayan ukol sa demokrasya. Pero sa outline ng mga aralin, magiging tuon ang mga pangyayari imbis na mga katauhan.

Dito nakakakita ng isyu si Francis Gealogo, propesor ng kasaysayan sa Ateneo de Manila University at lead-convenor ng Tanggol Kasaysayan. “Ang kasaysayan ay tumutukoy sa mga partikularidad,” sabi niya. Lalabnaw ang talakayan, at kahit sa mukhang simpleng rekomendasyon na ito, parang “mapapaabswelto ang mga Marcos sa kanilang kasalanan sa bayan.”

“Ito ay bahagi ng mas organisado at sistematikong pamamaraan ng pagpabango, ng revival, ng pagpapanumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan at paglilinis ng kanilang pangalan,” sabi ni Gealogo. Itinatag ang Tanggol Kasaysayan noong 2016 para labanan ang nasabing pagpapabango ng kasaysayan.

Taong 2016 rin nagbitiw si Geologo sa posisyon bilang commissioner ng National Historical Commission of the Philippines matapos ilipat ang mga labi ni Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani.

Tuloy ang klase

Itong isyu ng pagpapalit ng pangalan ng aralin ay isa lang sa kailangan kaharapin ng mga guro ng kasaysayan tulad nina Gealogo at Manalaysay.

Ikalawang linggo pa lang ng Setyembre, nag-abono na si Manalaysay para sa pagpapa-print at laminate ng ilang materyales para sa mga klase niya ng Mapeh. Sa palagay niya, umaabot ng P3,000 kada buwan ang ginagastos niya mula sa sariling sahod para lang hindi magkulang sa kagamitan ang walong section na tinuturuan niya.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers National Capital Region Union (ACT NCR Union), nasa P3,500 ang ginagastos ng mga guro para sa mga kagamitan sa klase at professional development. Kung idadag pa ito sa buwanang gastusin sa transportasyon, pagkain at iba pang mga bayarin, kapos raw ang kasalukuyang P27,000 sahod ng entry-level na guro.

Kaya naman ganoon na lang ang pagkadismaya ng ACT NCR Union at ng iba pang mga organisasyon ng guro nang malaman sa budget hearing ng DepEd nitong Setyembre na humihingi ng P150 milyon sa confidential fund ang kagawaran.

Mas malaki pa ito sa taunang natatanggap ng Philippine Coast Guard na P10 milyon sa confidential and intelligence funds, ayon sa mga dokumento ng Department of Budget and Management.

“May sapat na pera para sa confidential fund pero walang sapat na pera para tustusan ‘yong pangangailangan ng mga mag-aaral,” sabi ni Manalaysay. Aniya, dapat dalhin ang pondo sa pagpapatayo ng mas maraming classroom at pagbili ng mga libro at iba pang gamit sa klase.

Ibinalita ng Philstar.com na sa 11 taon, mula 2012, tanging Grade 5 at Grade 6 lang ang nakakauha ng kumpletong textbook sa lahat ng subject. Ayon sa Second Congressional Commission on Education, nagkakaroon ng mga isyu sa procurement at delivery kaya hindi nakakaabot ang mga libro sa mga mag-aaral.

Dinepensahan naman ng DepEd ang hinihinging P150 milyon. Ayon sa kagawaran, talamak raw ang iba’t ibang banta sa seguridad ng mga mag-aaral at DepEd personnel. Bahagi raw nito ang sexual abuse, pang-aabuso, korupsiyon, pagkonsumo at pagbebenta ng iligal na droga at pati recruitment ‘di umano sa terorismo at ibang kriminal na aktibidad.

Kaso sa kasaysayan

Para sa mga guro tulad nina Manalaysay at Gealogo, kailangang bantayan ang paggamit ng pondo ng DepEd, lalo na itong confidential funds at ang sinasabing pangangailangan dito dahil sa banta ng terorismo.

“Kapag ginamit na ito bilang mga institusyon ng paniniktik, ibig sabihin pumapasok na ang mekanismo ng militarisasyon sa burukrasya,” sabi ni Gealogo. Kasabay pa aniya nito ang banta sa mga guro ng kasaysayan at iba pang naninindigan sa sektor ng edukasyon.

Mula 2022, sunod-sunod na ang paratang ni Pangalawang Pangulo at DepEd Secretary Sara Duterte sa ACT na taga-suporta umano sa Communist Party of the Philippines. Wala pang datos na galing sa Office of the Vice President para suportahan ang alegasyon.

“‘Yong taxes na ibinabayad ng taumbayan, kabilang kami bilang manggagawa, ‘yon [ang] ginagamit laban sa amin,” sabi ni Manalaysay, miyembro ng ACT NCR Union. Dagdag niya, sumasali lang naman ang mga gurong katulad niya sa mga unyon dahil hindi napapakinggan ng gobyerno ang boses ng mga guro.

Hindi rin nakatulong sa mga propesor sa kolehiyo ang mga paratang na galing sa gobyerno, dahil ginagawa itong dahilan ng mga troll at iba pang personalidad online na atakihin ang mga guro. Ayon kay Gealogo, may kasamahan sila sa Tanggol Kasaysayan na nangibang bansa dahil sa banta sa seguridad.

Sabi niya, “Sana hindi na kailangan ibuwis ang buhay para lang sabihing mahalaga ang kasaysayan, mahalaga ang katotohanan.”



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss