Bagong mukha ng makabagong Gabriela – Pinoy Weekly

March 16, 2023


Sa edad na 21, siya ang pinakabatang naging secretary general ng Gabriela Alliance of Filipino Women (Gabriela) mula nang maitatag ang organisasyon noong 1984.

Matagal nang kilala ni Clarice Palce ang Gabriela bilang prestihiyoso at pinakamalaking organisasyon ng kababaihan sa bansa dahil madalas niya itong mapanood sa balita sa telebisyon noong mas bata pa siya.

“Naging curious ako kanya kasi ang ganda pala ng advocacies n’ya for women’s rights. Tapos nagsasalita rin s’ya sa usapin ng kuryente, sa tubig, sa pang-aabuso [sa kababaihan], sa usapin ng mga military base sa Pilipinas,” kuwento ni Clarice sa isang panayam sa Pinoy Weekly.

Mula sa pamilyang anakpawis, batid niya ang paghihirap ng mga manggagawang Pilipino sa pang-araw-araw.

“‘Yung mama ko ay manggagawa sa isang factory sa Valenzuela tapos ‘yung papa ko naman, siya ay tricycle driver pero minsan nagkakarpintero rin siya,” pagbabahagi ni Clarice.

Nang makapasok sa kolehiyo sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), nalaman niya na mayroon din palang organisasyon ang Gabriela para sa mga kabataan.

Matapos ang isang room-to-room sa kanilang klase ng balangay ng Gabriela Youth (GY) sa PUP, nag-walk-in si Clarice sa opisina ng GY sa unibersidad upang maging miyembro.

“Sa GY, nagdi-discussion naman kami kaugnay ng kalagayan ng mga manggagawa tapos syempre very relate [sa akin] kasi iyon ang buhay ko e,” ani Clarice.

Sa pagiging miyembro GY noong 2018, naging mas malinaw kay Clarice ang ugat ng paghihirap ng mamamayang Pilipino sa kanyang pakikitungo, paglubog at pag-oorganisa ng mga estudyante, magsasaka, manggagawa at iba pang sektor.

Sa pagiging miyembro GY noong 2018, naging mas malinaw kay Clarice ang ugat ng paghihirap ng mamamayang Pilipino sa kanyang pakikitungo, paglubog at pag-oorganisa ng mga estudyante, magsasaka, manggagawa at iba pang sektor.

Mabilis din ang naging paglago niya sa pagkilos. ‘Di naglaon, naging lider-estudyante si Clarice sa PUP hanggang sa nahalal na national secretary general ng Gabriela Youth kung saan nakilala niya ang maraming kabataang kababaihang lider katulad niya.

Matapos maging lider ng GY, gumampan na ng mga gawain si Clarice sa national office ng Gabriela noong 2021.

Napagpasyahan ni Clarice na maging full-time sa pagnanais na mas lalong mapaglingkuran ang mga kababaihan at manggagawa katulad ng kanyang mga magulang.

Sa maagang bahagi ng 2022, naging spokesperson siya ng organisasyon hanggang nahalal na secretary general nito noong Agosto 2022.

Hindi rin naging madali para kay Clarice at sa kanyang pamilya ang pagpapasya niya na buong panahon na maglingkod sa organisasyon at kababaihan.

“Parang pakiramdam nila gumuho ‘yong pangarap nila sa akin,” aniya.

Ngunit sa walang pagod na pagpapaliwanag sa kanyang pamilya, unti-unti ring nilang natanggap ang kapasyahan ni Clarice.

“Hindi dapat naiiwan ang magulang sa mga goal natin. Sila rin ay dapat mina-mass work natin, ino-organize natin, pinapaliwanagan natin kung bakit natin tinatahak ‘yung ganitong gawain,” paliwanag ni Clarice.

Naging isa rin sa mga dahilan ng pangamba ng kanyang mga magulang sa kapasyahan niyang mag-full-time ang mga sunod-sunod na atake ng estado sa Gabriela at iba pang progresibong organisasyon.

“Bahagi na iyong takot sa mga magulang pero syempre tuloy-tuloy ang paliwanag natin sa kanila. Isinasama rin natin sila sa ilang activities at services sa Gabriela kaya unti-unti natatanggap nila,” sabi ni Clarice.

Sa kasalukuyan, abala siya sa maraming kampanya at gawain ng Gabriela. Kasama na rito ang kampanya sa sahod, trabaho at karapatan.

“Mababa na nga ang sahod in general, depressed pa lalo ang sahod ng kababaihan. Hindi rin sila priority na kunin sa mga trabaho. Karamihan ng migrant workers ay kababaihan dahil walang tumatanggap sa kanila dito sa Pilipinas,” wika ni Clarice.

Dagdag pa niya, ikinakampanya rin nila ang karapatan sa pag-uunyon ng kababaihang manggagawa at pag-apruba sa International Labor Organisation Convention 190 o Violence and Harassment Convention.

Sa huli, nanawagan si Clarice sa kanyang mga kapwa kabataang kababaihan na maging matapang at lumaban.

“Napakaraming mga bagay na mas malaki pa sa ating mga sarili. Napakaraming mga kapwa nating kababaihan ang nakararanas ng pagsasamantala, pang-aapi at pang-aabuso kaya napakahalaga na makipag-aralan, makipamuhay at lumaban ang ating kababaihan,” wika ni Clarice.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

+ 310,000 People Forced Into South Sudan Due to Conflict, UN | News

On Tuesday, the UN humanitarian agency stated that violent clashes

Farmers back salt industry development bill, ask similar support for other rural industries

The Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) said it supports the