Bagyong Kristine, nag-iwan ng malaking pinsala sa agrikultura – Pinoy Weekly


Tinatayang P80.80 milyon ang pinsalang idinulot ng Bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura sa Luzon at ilang bahagi ng Kabisayaan ayon sa Department of Agriculture (DA) mula Okt. 22 hanggang Okt. 24.

Umabot sa mahigit 1,570 ektaryang lupang agrikultural ang tinamaan sa pananalasa ng bagyo sa Pilipinas, apektado rin ang kabuhayan ng 2,864 magsasaka ng mais at palay.

Pinakaapektado ng bagyo ang Kabikolan, pumalo sa P29.4 milyon ang halaga ng pinsalang agrikultural. Umabot naman sa 512 ektaryang sakahan ng mais at palay ang naapektuhan  sa Camarines Sur, Camarines Norte at Masbate.

Ilang araw matapos ang pananalasa ng bagyo, wala pa ring natatanggap na tulong ang mga magsasakang apektado ayon Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

“Nananawagan po kami sa ating mga kababayan, tulungan po natin ang ating mga magsasaka, dapat ay kagyat din pinapaabot sa kanila ang mga tulong,” ani KMP chairperson Danilo Ramos.

Umabot na rin sa P2.6 milyon ang halaga ng perhuwisyong hatid ng bagyo sa Cordillera. Habang tinatayang P24 milyon ang presyo ng nasirang mga pananim at palaisdaan sa Pangasinan ayon sa pamahalaang panlalawigan.

Bilang tulong sa mga magsasakang naapektuhan ng Bagyong Kristine, naglaan ang DA  ng P25,000 pautang sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC). Tatlong taon ito maaaring bayaran ng mga magsasaka na walang interes.

Ngunit giit ng KMP na hindi pautang ang kailangan ng mga magsasakang sinalanta ng bagyo kundi subsidyo at makabuluhang suporta upang matulungan silang makabawi mula sa pagkalugi.

Dagdag pa ng KMP, ibabaon lang sa utang ng gobyerno ang mga magsasaka sa lalong kahirapan kahit pa walang interes ang mga programang pautang.

Malubha ring napinsala ang kabuhayan ng 64 na magsasaka sa Negros Occidental sabi ni acting provincial agriculturist Dina Genzola. Pinakanaapektuhan ang mga pananim na palay na nagkakahalagang mahigit P1 milyon habang tinatayang P575,976 naman ang halaga ng danyos sa sektor ng pangisdaan.

Dahil sa matinding pinsala, nagtalaga ang DA ng iba’t ibang interbensyon, kabilang ang halos P80.21 milyong halaga ng mga agricultural inputs. Kasama rito ang mga pananim na bigas, mais, mga punlang gulay, at mga gamot para sa mga hayop.

Nais namang panagutin ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) at Amihan National Federation of Peasant Women (Amihan) ang administrasyong Marcos Jr. sa malubhang pinsala ng bagyo.

Anila, lalong lumala ang epekto ng mga natural disaster dahil sa mga proyekto ng gobyerno na nakakasira sa kalikasan.

“Dapat lampas na tayo sa mga rescue at relief operations sa panahon ng kalamidad, dapat may komprehensibong programa ang gobyerno upang maibsan ang epekto ng pagbaha at landslide,” sabi ni Amihan chairperson Zenaida Soriano.

Pinuna naman ng grupo ng mga mangingisda na Pamalakaya Pilipinas ang patuloy na paggamit ng naratibo ng resiliency ng gobyerno tuwing may kalamidad.

“Hindi dapat gamitin ang resiliency para pagtakpan ang kapabayaan ng mga nanunungkulan sa mga biktima ng kalamidad,” dagdag pa ni Pamalakaya Pilipinas vice chairperson Ronnel Arambulo.

Dagdag pa ni Arambulo, pangangalaga sa kalikasan at pagtigil sa mga mapanirang proyekto ang dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa mamamayan.

Umakyat na sa mahigit 3 milyon ang bilang ng apektadong indibidwal, isinailalim din ang 30 lugar sa state of calamity, habang hindi bababa sa 76 ang namatay matapos ang kabi-kabilang flashflood at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.

Inaasahang tataas pa ang bilang ng halaga ng pinsala ng Bagyong Kristine sa mga susunod na araw.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!